Gabriel “Flash” Elorde
(25 Marso 1935–2 Enero 1985)
Kinikilala si Gabriel “Flash” Elorde (Gab·ri·yél Flash E·lór·de) bilang isa sa pinakamatatagumpay na boksingero sa Asia-Pacifico at pinakamahusay na boksingerong Filipino ng kaniyang panahon.
Nagsimulang maging boksingero ni Elorde dahil sa pagtuturo sa kaniya nito ng kaibigan niyang dati ring boksingero na si Lucio Laborte. Una niyang karangalan ang panalo niya laban kay “Kid” Gonzaga noong 1951. Noong 1953, nakuha niya ang mga kampeonatong national bantamweight sa Maynila at kampeonatong ori- ental bantamweight sa Tokyo sa laban niya kay Hiroshi Horiguchi. Sumunod, natalo niya si Tommy Romulo at napanalunan ang korona ng junior lightweight ng Filipinas. Naungusan din niya sa puntos sa loob ng sam- pung duwelo sa labang walang titulo ang featherweight king na si Sandy Saddler.
Bagama’t walang nadagdag na titulo kay Elorde sa loob ng mahabàng panahong kasunod, itinuring pa rin siyang malakas na kalaban sa mga pambansa at panrehiyong kampeonato sa kategoryang lightweight. Noong Marso 1960, muli siyang nagwagi at nakuha niya ang kampe- onatong world junior lightweight mula kay Harold Gomes matapos ang labanang tumagal nang pitong round na ginanap sa Maynila. Sa loob ng walong taóng paghahari sa nabanggit na titulo, sampung laban pa ang kaniyang napagwagian kasama na rito ang dalawang ulit na pagkapanalo at pagkaagaw kay Carloz Ortiz ng lightweight belt.
Nagretiro si Elorde noong 1974 na may rekord na 87 panalo (33 Kos), 27 talo, 2 tabla at pagkilalang“pinakamahusay na boksingerong kampeon sa world junior lightweight sa kasaysayan ng WBC.”
Tubòng-Bogo, Cebu si Elorde. Ipinanganak siya noong 25 Marso 1935 sa isang mahirap na pamilya. Ikatlong baitang lamang sa elementarya ang naabot niyang edukasyon. Naging tagapulot siya ng mga bola sa bolingan at nagtrabaho sa konstruksiyon sa murang edad pa lamang. Namatay si Elorde noong 2 Enero 1985 sa sakit sa bagà. (RGA)