Dominican Hill

Ang Dominican Hill (Do·mí·ni·kán Hil) o Gulod Dominiko ay isang pool pasyalan sa Lungsod Baguio sa bulubunduking Cordillera. Mula sa gulod, matatanaw ang kalakhan ng Baguio ang pamilihang bayan, kampus ng Unibersidad ng St. Louis, Marcos Highway, iba’t ibang palatandaang gusali, at mga karatig na buró at bundok iyan, kung hindi yapos ng hamog ang tanawin. Tanyag dati bilang bakasyunan at hotel, dinadayo ito sa kasalukuyan para sa mga guho ng gusali na sinasabing pinamamahayanan ng mga multo. Isa ito sa mga kilaláng “haunted house” ng Filipinas.

Nakuha ng gulod ang ngalan mula sa mga paring Dominiko na binili ang pook mula sa mga may-aring Americano. Nagtayô ang mga pari ng bahay bakasyunan noong 1913–1915. Ginawa nilá itong paaralan, ang Colegio del Santissimo Rosario, para makaliban sa buwis, ngunit dahil hindi gaanong malaki ang lugar, ibinalik ito sa pagiging bahay bakasyunan. Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nagtago dito ang ilang mamamayan mula sa mga mananakop na Japanese, na siyá namang bumomba sa gusali. Isinaayos ang gusali noong 1947.

Noong 1973, binilí ang gulod ni Tony Agpaoa, isang negosyante at faith healer, at ginawang Diplomat Hotel. Pinaganda ang gusali, hinati sa 33 silid, at naging bantog sa mga turistang Europeo na nais ding humingi ng lunas mula kay Agpaoa. Pumanaw siyá noong 1987 dahil sa atake sa puso, at di-nagtagal ay nagsara ang hotel. Mula noon, isa nang abandonadong pook ang Dominican Hill, at maraming nagpapatotoo na pinamamahayan ito ng mga multo. Sa kasalukuyan, dinadayo ang mga guho ng mga turista, retratista, jogger, at iba pa. Tinatawag din itong “Prayer Hill” sapagkat lingguhang idinadaos dito ang mga pagtitipon at misa. (PKJ)

Cite this article as: Dominican Hill. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/dominican-hill/