Ernesto O. Domingo

Pambansang Alagad ng Agham, si Ernesto Domingo (Er·nés·to Do·mín·go) ay kilaláng espesyalista sa atay, edukador sa larangan ng medisina, at mahusay na administrador. Sinaliksik niya ang katangian ng schistosome granuloma at epekto nitó sa atay at lapay, ang Schistosomiasis japonica, at ang pisiyolohiya at katangian ng hepatocellular carcinoma. Ang kaniyang pananaliksik sa hepatitis ay gina- mit na batayan ng Kagawaran ng Kalusugan upang mag-balangkas ng mga patakaran at programa sa pagbabakuna laban sa hepatitis B. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham noong 14 Enero 2010.

Itinatag ni Domingo ang Liver Study Group ng Kolehiyo ng Medisina sa Unibersidad ng Pilipinas noong hulíng bahagi ng 1960. Pinamunuan niya ang grupo upang pag-ara- lan ang iba’t ibang uri ng hepatitis at kung paano mabisang malalabanan ang sakit na ito.

Pinangunahan ni Dr. Domingo ang pag-aaral sa schistosomiasis, at itina- tag ang laboratoryo para sa pananaliksik ukol dito. Pinamunuan din ni Domingo ang pag-oorganisa sa unang Clinical Epidemiology Unit (CEU) sa bansa. Ang paghahanap niya ng lunas para sa kanser ng atay ang isa sa pinakamahalagang ambag ni Domingo sa larangan ng medisina. Gumawa rin siyá ng mga pag-aaral upang suriin ang sakit na cirrhosis sa atay at peptic ulcer.

Nagtapos ng kursong medisina si Domingo sa UP Manila noong 1961. Nagsanay siyá sa pagiging espesyalista sa internal na medisina sa Philippine General Hospital at kumuha ng karagdagang pagsasanay upang magpakada- lubhasa sa Gastroenterology Hepatology sa Case Western Reserve University ng Cleveland, Ohio. Itinalaga siyáng Chancellor ng UP Manila at nagsilbing direktor ng Post-Graduate School of Medicine ng pamantasan. Naging tagapayo siya ng World Health Organization at iba’t ibang internasyonal na organisasyon na nagsasaliksik ng mga sakit sa atay. Isinusulong ni Domingo sa kasa- lukuyan ang adhikain na magkaroon ng pangkalahatang kalingang pangkalusugan sa Filipinas. Tumulong siyá sa pagtatatag ng Universal Clinical Health Care Advocacy Group. (SMP)

Cite this article as: Domingo, Ernesto O.. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/domingo-ernesto-o/