Damian Domingo
(sk 1800–1834)
Pangunahing pintor sa unang hati ng ika-19 siglo si Damian Domingo (Dam·yán Do·mín·go) at kilalá sa paglikhang minyaturista. Unang nakilála si Domingo sa pagpipinta ng maliliit na obra sa garing. Noong 1823, tunay na siyáng bantog at binuksan ang tahanan para sa mga nais mag-aral ng pintura. Naging Academia de Debujo y Pi tura ang kaniyang palihan. Nagkaroon ng kauna-unahang eksaminasyon sa kaniyang paaralan noong 9 Abril 1829.
Noong kalagitnaan ng dekada 20 ng siglo 19, sinasabing nagpagawa ang isang negosyanteng Hindu kay Domingo ng mga album na nagpapakita ng kasuotan at gawain ng iba’t ibang mamamayan ng Filipinas. Matatagpuan ang isang album sa Newberry Library sa Estados Unidos. Apat na pintura ang natitiyak na obra ni Domingo: Nuestra Señora del Rosario dando el Santissimo Rosario al Santo Domingo y Santa Catalina, La Sagrada Familia, La Catedra de San Pedro, at La Inmaculada Concepcion. Pawang minyatura ang mga naturang likha. Naisagawa niya ito sa paggamit ng limang brotsang Tsino, na ang ila’y mayroon lamang iisang balahibo. Higit na nagiging pino ang hagod ni Domingo kapag gumamit ng gouache o water-based na tempera sa papel.
Malamang na Tsino ang angkan ni Domingo dahil sa dobleng pangalan ng santo ng kaniyang mga magulang na sina Domingo Macario at Erminigilda Gabriela. Napangasawa niya si Lucia Casas at nagkaroon silá ng sampung anak. (RPB)