Dolphy
(25 Hulyo 1928–10 Hulyo 2012)
Ipinanganak bilang Rodolfo Vera Quizon Sr. si Dolphy (dól•fi), ay isang bantog na aktor sa komedi. Tinagurian siyang “Hari ng Komedi” dahil sa natatangi niyang talento sa pagtatanghal sa entablado, radyo, telebisyon, at pelikula sa loob ng mahabàng panahon.
Isinilang si Dolphy kina Melencio E. Quizon, isang manggagawa sa barko, at Salud Vera, sa Kalye Padre Herera sa Tondo, Maynila. Pangalawa siyá sa sampung mag-kakapatid. Noong kabataan, nagtitinda siyá ng mani at butong pakwan sa mga sinehan. Nakakapanood siyá ng libreng pelikula dahil sa pagtitinda. Napasok din siyá sa iba pang maliliit na trabaho bago naging artista. Naging impluwensiya niya ang tambalang Pugo at Togo, at mga mananayaw na sina Benny Mack at Bayani Casimiro.
Sa panahon ng pananakop ng Japan, ay edad labimpito siyá nang bigyan ng trabaho ni Benny Mack bilang isang mananayaw sa Avenue theater at Lyric theater. Una niyang pelikula ang Dugo at Bayan kasama si Fernando Poe, Sr., ama ng magiging kaibigang si Fernando Poe, Jr. Sa pagtatapos ng dekada 40, pinasok niya rin ang radyo sa tulong ni Conde Ubaldo, isang sikat na manunulat sa radyo, direktor, at prodyuser. Sa programa sa radyong Wag Naman nakasáma niya sina Pancho Magalona na bida sa programa, Tessie Quintana, at Baby Jane. Nagsimula rin sa radyo ang tambalan nilá ni Panchito. Noong 1952, ipinakilála ni Pancho Magalona si Dolphy kay Dr. Jose “Doc” Perez, may-aring Sampaguita Pictures. Dito nagsimula ang kaniyang karera sa pelikula. Ilan pa sa mga pelikula at programang nagpasikat sa kaniya ang Sa Isang Sulyap Mo Tita (1953); Jack en Jill (1954); Facifica Falay-fay (1969); John En Marsha (1973); Ang Tatay kong Nanay(1978); Haw Haw de Karabaw (1988); Home Along Da Riles (1992); Markova: Comfort Gay (2000); at Father Jejemon (2010).
Ilan sa mga gantimpalang natamo niya ang Lifetime Achievement Award; PASADO Awards; Golden Father Foundation Parangal ng Bayan Awardee; Dangal ng Lipi Award; 1998 Gawad Urian Award, Lifetime Achievement Award; 2000 Cinemanila Interna- tional Film Festival; 2010 Grand Collar of the Order of the Golden Heart; 2012 Gawad na Diwa ng Lahi; 2012 People’s Artist Award; at mula sa FAMAS, Metro Manila Film Festival, at PMPC Star Awards mula 1974 hanggang 2011.
Sumakabilang-buhay si Dolphy dahil sa mga komplikasyon dala ng pulmonya at sakit sa bato. Sa kaniyang pagpanaw, idineklara ni Pangulong Benigno Aquino III ang 13 Hulyo 2012 na National Day of Remembrance bilang pag-alala sa mga naging kontribusyon ni Dolphy sa industriya ng pagtatanghal. (KLL)