Paulino S. Dizon
(5 Enero 1891–30 Hunyo 1947)
Unang Filipino na nahirang na katuwang na awditor sa Filipinas ni Pangulong Woodrow Wilson ng Estados Unidos at naging Insular Auditor noong 1919 sa edad na 28 taón. Isinilang si Paulino S. Dizon (Paw·lí·no Es Dí·zon) sa Porac, Pampanga noong 5 Enero 1891. Nag-aral siyá sa paaralang publiko ng Porac ngunit lumuwas ng Maynila upang humanap ng trabaho hábang nag-aaral sa gabi. Pumasok siyá sa Liceo de Manila, nakapasá sa eksamen ng serbisyo sibil sa gulang na 18 taón, at nahirang na klerk sa Bureau of Audit noong 1909.
Hinahangaan si Dizon sa sipag at dedikasyon sa trabaho. Sinasabing siyá ang pinakamaagang pumasok sa opisina at ginagawa ang trabaho hanggang gabi. Kapag may sakit, hinihiling din niya sa asistant na dalhin sa bahay niya ang mga papeles upang maiwasan ang anumang atraso. Kahit hindi nakatapos ng pag-aaral, pinagtiwalaan siyá dahil sa kaniyang integridad at debosyon sa tungkulin. Noong 1919, inirekomenda siyá ng gobernador-heneral na Americano para maging deputy auditor. Noong 7 Nobyembre 1945 at muling itinatatag ang pamahalaang Filipino, hinirang siyá ni Pangulong Osmeña na Auditor General ng bansa.
Humawak din si Dizon ng ibang tungkulin, gaya ng presidente ng Manila Railroad Company, presidente ng Manila Hotel Company at Cebu Portland Cement, at sekretaryo ng Manila Harbor Board. Huwaran siyá para sa sinumang nása serbisyo publiko, lalo na sa kaniyang pahayag na “Ang pagdudulot ng pinakamataas na paglilingkod sa aking bayan ang kaligayahan ko sa búhay.” Pagkaraan ng dalawang taón bilang Auditor General ay namatay siyá sa isang mabigat na karamdaman noong 30 Hunyo 1947. Naiwan niya ang maybahay na si Gertrudiz Henson at mga anak na sina Sierve, Purita, at Aurelio. (GVS)