Marína Dízon

(18 Hulyo 1875–25 Oktubre 1950)

Isa sa mga unang kasaping babae ng Katipunan si Marína Dízon. Mula siyá sa pamilyang lumahok halos lahat sa Himagsikang 1896. Ang kaniyang ama, si Jose Dizon, ay isa sa Labintatlong Martir ng Cavite. Ang ama niya ay aktibong kasáma ni Andres Bonifacio. Namatay ang kaniyang ina noong walong taóng gulang lámang siyá kayâ lumaki siya sa kaniyang tiyang si Josefa Dizon, na ina ni Emilio Jacinto. Napangasawa niya si Jose Turiano Santiago, isa ring Katipunero at dinakip din sa Maynila noong Agosto 1896.

Nag-aaral si Marina sa pribadong paaralan ni Maestro Timoteo Reyes nang makaeskuwela niya doon ang napangasawang si Jose Turiano Santiago. Mahilig siyá sa musika at pagpipinta.  Gitarista at biyonilista siya ng Banda Trozo Comparza. Noong 1893, dinala siyá ni Emilio Jacinto sa bahay ni Don Restituto Javier at nanumpang kasapi ng Katipunan. Naging tagpag-ingat siyá ng mga dokumento ng Katipunan, at sinunog niya ang  mga  ito nang  maganap ang  mga  pagdakip  noong  Agosto 1896. Ipinagbili niya ang ilang hiyas at ari-arian para pansuhol sa mga guwardiya sa piitan ng asawa, na pinawalan noong 11 Setyembre 1897.

Lumipat silá ng tirahan sa Meycauayan, Bulacan, at sakâ sa Tarlac. Nang tumahimik, bumalik si Jose sa Maynila at nagtrabaho. Napagsospetsahan itong rebolusyonaryo sa panahon ng mga Americano kayâ para makaiwas sa pagdakip ay tumakas patungong Hong Kong. Naiwan si Marina sa Filipinas. Nakabalik din si Jose at namatay noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Namuhay mag-isa si Marina sa Kalookan kasama ng isang anak na babae at namatay noong 25 Oktubre 1950. (VSA)

Cite this article as: Dizon, Marina. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/dizon-marina/