dikyà
Philippine Fauna, aquatic animals, jellyfish
Ang dikyà na kabilang sa grupong Cnidaria ay nabuhay na sa loob ng daang milyong taon. Kasáma sa grupo ang miyembro ng Scyphozoa na nagdudulot ng problema da-hil sa mabilis na pagdami. Karamihan ay matatagpuan sa mababaw na lugar malapit sa baybayin pero may ilan ding naninirahan sa lawak ng karagatan.
Ang dikyà ay kilalá sa malakampanilyang hugis ng ka-tawan at kakayahang tumusok ng lason. Ang búhay nitó ay may dalawang yugto: polip at medusa. Sa panahon ng polip, nananatili itong nakakapit sa ilalim ng dagat at hin-di gumagalaw. Kapag medusa naman, ito ay naghuhugis kampanilya at pinaaandar ang katawan sa tubig. Ang pag-kain at dumi ay dumaraan sa iisang lagusan sapagkat wala itong lalagyang pantunaw. Pinapadaloy ang tubig at tinu-tunaw ang pagkain at gas sa pamamagitan ng maliit na tila buhok sa espasyo ng pantunaw. Dahil mas marami ang tubig sa katawan kaysa karbon (<3%) at maikling búhay (6–9 buwan), mabilis itong dumami at magtigulang.
Ito ay karniboro at kumakain ng organismong tulad ng krustaseo, copepod, at larba ng isda. Hinuhúli ang bikti-ma sa pamamagitan ng kapsulang may hiblang bumubuga ng lason mula sa mga tentakulo. May ilang espesye ng pawikan (tulad ng Dermochelys coriacea) at ibon ang ku-makain ng dikya. Ang maliit na tropikong dikya Cassio-peia, ay kakaiba sa ibang dikya dahil ito ay namamalagi sa ilalim ng mababaw na tubig samantalang ang bibig nitó sa tentakulo ay nakatuon paitaas. Ang bibig ay maliit at hindi masyadong ginagamit. Ang pangkaraniwang dikya ay Aurelia aurita.
Maraming uri ang may kakayahang mabuhay sa mala-wak na kondisyon ng temperatura, kaasinan, pagkain, at konsentrasyon ng oksiheno. Bilang proteksiyon laban sa kumpetisyon, ang ilang isda ay nagtatago sa mga tentakulo ng dikya bilang kalasag. Ito ay karaniwang nangyayari kapag ang isda ay hindi pa kayáng ipagtanggol ang sarili laban sa mga mangangain. Ang dikya ay itinuturing na masarap na pagkain sa ilang bansa. Subalit ang tusok ng lason ay nakapipinsala sa tao at ang sugat na da-hil dito ay kinakailangang lapatan ng agarang lunas. (MA)