Digmáang Filipíno-Americano

Sa ganap na ikawalo at kalahati ng gabi noong 4 Pebrero 1899, pinaputukan ni Private Willie W. Grayson ang isang kawal na Filipino sa kanto ng mga kalyeng Sociego at Silencio sa Santa Mesa, Maynila. Gumanti ng putok ang mga sundalong Filipino. Sa loob ng isang oras, ang dalawang hukbo ay ganap na humanda sa simula ng Digmaang Filipino-Americano (Dig·ma·áng Fi·li·pí·no A·me·ri·ká·no).

Hindi naman maikakaila na dumating sa Filipinas ang mga Americano upang sakupin ito. Idinahilan lamang ng pagpunta dito noong 1898 ng plota ni George Dewey ang pakikidigma laban sa España. Ngunit hindi ito umalis kahit nagapi na ng mga rebolusyonaryong Filipino sa halos lahat ng dako ng bansa ang puwersang Español. Sa halip, dumating pa ang hukbong katihan ng mga Americano at nagkaroon ng pakunwang paglusob sa Intramuros upang hindi ito mapasakamay ng mga Filipino. Simula pa lamang ay pabor na ang digmaan sa mga Americano. Samantalang kunwa’y kaalyado ng mga Filipino, binili ng Estados Unidos sa España ang Filipinas sa Kasunduang Paris noong 10 Disyembre 1898 sa halagang $20 milyon.

Hindi naman lingid kay Heneral Emilio Aguinaldo ang superyoridad ng hukbong Americano. Sa gayon, patuloy siyáng nakipag-ugnayan kay Heneral Elwell Otis sa pag-aakalang mapipigilan pa ang labanan. Hindi pinansin ni Otis ang inisyatiba ni Aguinaldo, bagkus sumagot siyáng “nagsimula na ang labanan, at dapat matapos hanggang sa huli.” Bunga nitó, walang nagawa si Aguinaldo kundi magdeklara ng digma sa Estados Unidos noong Pebrero 5. Sapagkat matagal nang nakahanda, mabilis na nag-tagumpay ang mga Americano sa paglusob sa mga posisyong Filipino pahilaga. Sa Labanang La Loma, natalo ang hukbo ni Medyor Jose Torres Bugallon at doon siyá namatay. Gumanti ng atake si Heneral Antonio Luna at noong Marso 22 ay nakarating hanggang Azcarraga, Maynila.

Gayunman, umatras din ang mga Filipino pahilaga dahil sa lakas ng puwersang Americano. Nahati pa ang gabi- nete ni Aguinaldo dahil sa politika, lalo na sa alitan ni Mabini at ng pangkating awtonomista nina Pedro Paterno. Nadawit sa intriga pati si Heneral Luna na pinaslang sa Cabanatuan noong 5 Hunyo 1899. Sa pag-atras, nakarating sa Palanan, Isabela si Aguinaldo at doon nadakip. Dinalá siyá sa Maynila at nanumpa ng pagsuko sa mga Americano noong 1 Abril 1901. Ipinagpatuloy ng iba ang pakikibaka. Ngunit unti-unting nagapi sina Heneral Miguel Malvar, Heneral Vicente Lucban, at iba pang lider gerilyang gaya nina Simeon Ola, Roman Manalan, Manuel Tomines, at Macario Sakay. Opisyal na idineklara ni Presidente fteodor Roosevelt noong 4 Hulyo 1902 ang wakas ng Digmaang Filipino-Americano bagaman nagpapatuloy ang pakikibaka sa maraming pook sa Kapuluan. (VSA)

Cite this article as: Digmaang Filipino-Americano. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/digmaang-filipino-americano/

Related Articles