Diariong Tagalog

Makabayang peryodiko ang Diariong Tagalog (Di·yár·yong Ta·gá·log) na itinatag ni Marcelo H. del Pilar at ni Don Francisco Calvo, isang mayamang Español na may liberal na kaisipan. Bilingguwal ito dahil naglalathala ng mga artikulo sa wikang Tagalog at sa wikang Español. Lumabas ito noong 1882 ngunit may nagsasabing unang lumabas noong Marso 1882 at may ulat namang Agosto 1882 ang unang isyu. Tatlong buwan lámang ang naging búhay ng diyaryong ito.

Sa isyung Agosto 1882 magkasabay na nalathala ang sanaysay na “Amor Patrio” ni Rizal at ang salin nitó sa Tagalog ni M.H. del Pilar. Itinuturing ng mga kritiko na naging mahalaga ang papel ng bilingguwal na Diariong Tagalog sa paglalathala nitó ng naturang salin at iba pang nakasaling babasahin sapagkat isa itong pagsisikap na maipabása ang mga makabayang akda sa madlang hindi marunong bumasa ng Español.

Itinatag ang Diariong Tagalog upang maging boses sa paghingi ng reporma at upang ipabatid sa nakararaming mamamayan ang mga nangyayari sa bansa. Ang isang repormang hiningi ng pahayagan ay ang pagpapatupad ng rehistrasyong sibil dahil nang mga panahong iyon, ang lahat ng pagpapatalâ ay sa simbahan lámang. Hindi nagta gal ang pahayagan dahil ang mga tagasuporta at mamba- basá ay agad pinaghihinalaang kontra sa pamahalaang Español. (AEB)

Cite this article as: Diariong Tagalog. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/diariong-tagalog/

Related Articles