demokrásya
Ang demokrásya (mula sa Español na democracia) ay isang sistema ng pamahalaan na mga mamamayan ang humahawak ng kapangyarihan sa pamamagitan ng mga kinatawan na pinilì nilá sa malayang halalan. Bukod sa malayang halalan, humihingi din ang isang demokra- tikong lipunan ng pantay na mga karapatan at pribilehiyo ng mga tao.
Nagsimula ang demokrasya sa Athens, Greece. Mula ito sa dalawang salitâng Griyego na “demos” na nangangahulugang “tao” at “krátos” na nangangahulugang “kapangyarihan”—ibig sabihin, ang kapangyarihan ay nása mga tao. Kinikilála ang Greek na si Cleisthenes bílang ama ng demokrasyang Athenian. Sa ilalim ng kaniyang pamumunò, naitatag ang unang demokrasya noong 510 BC. Ang nai- tatag noon ay tinatawag na demokrasyang direkta, ibig sabihin ang mga boto ng lahat ng mamamayang Athenian hinggil sa mga usapin ang nagiging batayan ng mga batas at kalakaran ng kanilang lipunan. Nagpapalit-palit din ang mga mamamayan sa paghawak ng puwesto sa pamahalaan at mayroong pagkakataón ang lahat na maging pinunò. Subalit hindi itinuturing na mamamayang Athe- nian at hindi nakaboboto noon ang mga babae, alipin, at banyaga.
May mga taglay na simulaing demokratiko ang ipinroklamang pamahalaan ng Republikang Malolos ngunit hindi naisakapatuparan dahil sa Digmaang Filipino-Americano. Ipinakilála ng mga Americano ang isang demokratikong sistema sa Filipinas sa pamamagitan ng pagbuo ng partidong politikal at halalan. Sa 1935 Konstitusyon, sinimulang ilatag ang isang demokratikong politika ng bansa sa pagbibigay ng kapangyarihan sa mga Filipino na mahalal at mamunò sa kanilang sarili. Mula 1946 hanggang 1972, ang Filipinas ay mayroong dalawang partido ang Liberal Party at Nationalist Party na naglalaban para sa puwesto sa pamahalaan. Nang ideklara ang Batas Militar noong Setyembre 1972, natigil ang kompetisyon ng naturang dalawang par- tido at gayundin ng halalan sa bansa. Nang maibalik ang demokrasya noong 1986, naibalik na muli ang halalan at nagkaroon na ng maraming partidong naglalaban para sa posisyon sa gobyerno. Samantala, makasaysayan din ang naganap na pagsasabatas ng karapatang bumoto at iba pang karapatan sa kababaihan. (KLL)