Martín Delgádo
(11 Nobyembre 1858–12 Nobyembre 1918)
Si Martín Delgádo ay guro, pinunòng-bayan, at heneral sa Himagsikang Filipino. Pangalawang anak ng nakariri-wasang sina Jacinto Delgado at Gabriela Permejo, ipinanganak siyá sa Santa Barbara, Iloilo noong 11 Nobyembre 1858, at nagsimulang mag-aral sa Sta. Barbara at sa Jaro sa naturang lalawigan. Sa Ateneo Municipal de Manila siyá nagtapos ng pagkaguro. Nagbalik siyá sa Sta. Barbara at nagturo sa mga paaralang-bayan. Nahirang siyang tenyente mayor, at nang lumaon ay naging kapitan munisipal at hukom sa bayang ito.
Hinirang siyáng kapitan ng mga boluntaryo sa Sta. Barbara ng gobernador ng Iloilo nang buuin ito noong Mayo 1898. Namunò siyá sa pagtatayô ng pamahalaang mapanghimagsik sa Iloilo noong 17 Nobyembre 1898. Nilusob ng mga Americano ang Iloilo noong 11 Pebrero at magiting na ipinag-tanggol nina Delgado ang lalawigan gayong mahinang uri ang kanilang mga sandata. Sumuko siyá sa mga Americano noong 1901 sa tulong ng isang paring Filipino.
Bilang pagkilala sa pagiging ma- husay na pinunò, hinirang siyá ng mga Americano na gobernador ng lalawigan ng Iloilo nang magtatag ng pamahalaang sibil noong 11 Abril 1901. Noong 1902 ginanap ang unang lokal na halalan, at nahalal si Delgado bilang gobernador ng Panay. Naging presidente naman siyá ng munisipyo nang magbalik sa Santa Barbara.
Namatay siya noong 12 Nobyembre 1918, isang araw pagkatapos ng kapanganakan ng kinikilalang magiting na heneral ng rebolusyong Filipino. (PKJ)