Rogelio Dela Rosa

(12 Nobyembre 1915–26 Nobyembre 1986)

Si Regidor Lim dela Rosa, mas kilalang Rogelio de la Rosa (Ro·hél·yo de la Ró·sa) ay isang napakapopular na artista sa pelikula at dulang Filipino. Siya rin ay isang diplomat at naging senador mula 1957 hanggang 1963. Itinuturing siyang unang artista na nagamit ang kani-yang kasikatan upang maging matagumpay na politiko.

Ipinanganak siyá sa Lubao, Pampanga noong 12 Nobyembre 1915 kina Feliciano de la Rosa at Rosario Lim. Kapatid niya sina Jaime de la Rosa at Africa de la Rosa. Pinakasalan niya si Lota Delgado at nagkaroon ng pitóng anak. Noong nasa hayiskul pa lamang ay regular na siyáng gumaganap bilang kontrabida sa mga sarsuwela sa kanilang bayan.

Nagsimula ang kaniyang karera bilang artista nang gu- manap siyá sa isang silent film na Ligaw na Bulaklak noong 1932. Ang pakikipagtambal niya kay Carmen Rosales ang naging pinakatanyag at ang love team nilá ay itinuturing na isa sa mga matatagumpay sa kasaysayan ng pelikulang Filipino.

Matapos ang digmaan, ipinagpatuloy niya ang karera sa pelikula sa mga produksiyon ng LVN Pictures at itinatag ang sariling film production company na RDR Produc- tions. Ang kaniyang tagumpay sa pelikula ay nagpatuloy hanggang dekada 50. Naging unang Filipino siyá sa cast ng fte Avenger, isang pelikulang American-Filipino. Naging bahagi siyá ng mahuhusay na pelikula ng kaniyang panahon gaya ng Diwata ng Karagatan (1936); Bituing Marikit (1937); Takip Silim (1939); Florante at Laura (1939); Diwa ng Awit (1940); Tampuhan (1941); Anong Ganda Mo (1941); Caballero (1942); Sarung Banggi (1947); Kampanang Ginto (1949); Sohrab at Rustum (1950); Prinsipe Amante (1950); Prinsipe Amante sa Rubitanya (1951); Irisan (1951); Haring Kobra (1951); at iba pa.

Nanalo siyá bilang senador sa eleksiyon noong 1955 sa ilalim ng Liberal Party. Tumakbo siyá sa pagkapangulo noong 1961 ngunit umatras at sinuportahan si Diosdado Macapagal laban kay Carlos P Garcia. Noong 1965, itinalaga siyáng embahador sa Cambodia. Noong administrasyong Ferdinand Marcos, naging embahador naman siyá sa Sri Lanka noong 1963; Cambodia noong 1965; at fte Hague, Netherlands hanggang 1983. Nakatanggap siya ng mga parangal mula sa Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) noong 1955; Asian Film Festival noong 1956 sa Hong Kong bilang Best Actor; Award of Merit mula sa National Press Club noong 1982; at Lifetime Achievement award mula sa Film Academy of the Philippines noong 1989. Namatay siya sa fte Hague, Netherlands noong 26 Nobyembre 1986. (KLL)

Cite this article as: Dela Rosa, Rogelio. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/dela-rosa-rogelio/

Related Articles