Jose dela Cruz

(21 Disyembre 1746–12 Marso 1829)

Si Jose dela Cruz (Ho·sé de·lá Kruz) o Huseng Sisiw ay isang bantog na makata at mandudulang Tagalog noong ika-19 na siglo. Dahil sa kaniyang kabantugan, may kuwentong nagpaturo sa kaniyang tumula si Francisco Balagtas bago ito naging bantog na makata.

Isinilang siyá noong 21 Disyembre 1746 sa Tondo, Maynila kina Simeon dela Cruz, isang cabeza de barangay, at kay Maria Naval. Sa edad na 8, sinasabing bihasa na siyá sa pagsasalitâ sa Español. Kalaunan ay sumulat siyá sa wikang Latin. Naging kritiko at sensor siyá ng komedyang Tagalog na ipinapalabas sa Teatro de Tondo. Naging kaibigan niya ang mga taga-simbahan dahil sa kaniya ipinasusulat at ipinawawasto ang kanilang sermon at dahil gagap niya ang Bibliya.

Kilalá siyá bilang “Huseng Sisiw.” Ayon kay Hermenegildo Cruz, palayaw niya iyon dahil susulat lámang siyá ng tula kapalit ng sisiw. Ayon naman kay Jose Ma. Rivera, ang palayaw niya ay gáling sa kaniyang hilig kumain ng sisiw. Sinasabing káya niyang tumula at bumuo ng dula nang impromptu. Kumalat sa karatig lalawigan ang kaniyang katanyagan. Ang mga nagnanais na maging makata at manunulat noon ay lumalapit sa kaniya upang humingi ng payo at matuto ng sining ng pagtula. Isa diumano sa mga ito ay ang naging bantog na si Francisco Balagtas.

Ilan sa mga isinulat niyang tulang liriko ay “Awa sa Pag-ibig,” “Singsing ng Pag-ibig,” “Sayang na Sayang,” at “Oh…! Kaawa-awang Buhay Ko.” Ang ilan naman sa mga isinulat niyang tulang pasalaysay ay ang mga awit at ko- rido na Clarita, Adela at Florante, Flora at Clavela, Doce Pares de Francia, Rodrigo de Villas, at ang popular na Historia Famoso de Bernardo Carpio. Sumulat din siya ng komedya tulad ng La guerra civil de Granada, Hernandez at Galisandra, Reina encantada o casamiento de fuerza, Los dos virreyes o la copa de oro, Principe Baldovino, Conde Rodrigo de Villas, El amor y la envidia, Don Gonzalo de Cordova, Jason at Medea, at Los traidores de la patria. May ulat na namatay siyá noong 12 Marso 1829. (KLL)

Cite this article as: Dela Cruz, Jose. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/dela-cruz-jose/