Pio del Pilar
(11 Hulyo 1865–21 Hunyo 1931)
Si Pio del Pilar (Pí·yo del Pi·lár) ay isang heneral ng Himagsikang Filipino. Nagtatag siyá ng sariling balangay ng Katipunan na tinawag na “Matagumpay.” Lumikha siyá ng sariling watawat pandigma para sa kaniyang pangkat—isang puláng bandila na may puting tatsulok sa kaliwang gilid at may titik K sa tatlong sulok at bumabangong araw mula sa bundok sa gitna.
Pinamunuan ni Del Pilar ang mga Filipino sa Labanan sa Binakayan noong 1896 at matagumpay na pinalaya ang bayan mula sa mga Español. Namunò siyá sa mga paglusob sa Bulacan, Nueva Ecija, at Rizal. Ang hulí niyang labanan sa mga Americano ay sa bayan ng Morong, at doon siyá nadakip. Ipinatapón siyá sa Guam at pagkaraan ng isang taón ay nagawaran ng amnestiya.
Isinilang siyá noong 11 Hulyo 1865 sa Culi-Culi, Makati bilang Pio Castañeda Isidro. Para mapangalagaan ang kaniyang pamilya, pinalitan niya ang kaniyang apelyido bilang del Pilar. Pumanaw siyá noong 21 Hunyo 1931. Ipinangalan sa kaniya ang baryo ng Culi-Culi. Nakalagak ang kaniyang mga labí sa Mausoleo de los Veteranos de la Revolucion sa Manila North Cemetery. (PKJ)