Marcelo H. del Pilar
(30 Agosto 1850–4 Hulyo 1896)
Pangunahing lider ng Kilusang Propaganda, dakilang makata’t manunulat, si Marcelo H. del Pilar (Mar·sé·lo Eyts del Pi·lár) ay tagapagtatag at editor ng Diariong Tagalog at naging ikalawang editor ng La Solidaridad. Bantog din siyá sa sagisag-panulat na Plaridel. Sa bantayog ng pagkilos para sa pambansang kalayaan, nása unang hanay si Plaridel sa piling nina Rizal at Bonifacio.
Isinilang siyá noong 30 Agosto 1850 sa Cupang, Bulacan, Bulacan sa isang mariwasang pamilya nina Don Julian Hilario at Blasa Gatmaitan. Idinagdag niya sa pangalan ang apelyidong “del Pilar” ng kaniyang lola bilang pagsunod sa Batas Claveria noong 1849. Kapatid niya si Padre Toribio na pinarusahan at ipinatapon sa Marianas dahil sa hinalang kasabwat sa motin sa arsenal ng Cavite noong 1872. Nag-aral siyá sa Colegio de San Jose at nagtapos ng abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas (UST) noong 1880. Noong Pebrero 1878, pinakasalan niya ang pinsang si Marciana del Pilar at nagkaanak silá ng pito bagaman sina Sofia at Anita lámang ang lumaki.
Estudyante pa lámang ay aktibo na siyá sa mga usaping pampolitika. Naging puspusan ang kaniyang pagkilos bilang repormista noong 1882. Itinatag niya kasáma ang isang Español ang bilingguwal na Diariong Tagalog. Ginamit niya ang husay sa pagtula at pagtatalumpati para batikusin ang gobyernong kolonyal sa pamamagitan ng duplo at pagsasalitâ sa sabungan at pista. Naglathala siyá ng satirikong polyetong Dasalan at Toksohan na ipinamumudmod sa simbahan kung Linggo. Noong 1888, nag-organisa siyá kasáma nina Doroteo Cortes, Jose Ramos, at Juan Zulueta ng mga demostrasyong kontra-fraile at nagrurok sa petisyon noong 1 Marso para sa pagpapatalsik ng mga fraile sa Filipinas. Bago siyá ipahúli, lihim siyáng umalis patungong España noong 28 Setyembre 1888.
Pagdating sa Barcelona, agad siyáng nagtrabaho para sa pagtatatag ng samahang repormista, ang La Solidaridad, na naglathala noong 15 Pebrero 1889 ng diyary- ong La Solidaridad. Sa isyung 15 Nobyembre, pinalitan niya si Graciano Lopez Jaena bilang editor ng peryodiko at inilipat niya ang lathalaan sa Madrid. Dumanas ng lubhang hirap ang kaniyang pamilya dahil sa kaniyang gawain. Dumanas din siyá ng hirap sa paghawak ng La Solidaridad. Sinasabing may panahong namumulot lámang siyá ng upos sa bangketa bilang pampalipas ng gútom. Naipalabas niya ang hulíng isyu ng diyaryo noong 15 Nobyembre 1895 at namatay ng tuberkulosis noong 4 Hulyo 1896. Inilibing siyá sa sementeryo ng mga pulubi sa Barcelona. (VDN)