Salvadór del Múndo
(28 Oktubre 1902–13 Pebrero 1945)
Magalíng na siyentista, musiko, at pasimuno sa teknolohiya ng seramika sa Filipinas, ipinanganak si Salvadór del Múndo noong 28 Oktubre 1902 sa Boac, Marinduque. Gayunman, sa Maynila siyá nag-aral at nagtapos nang balediktoryan sa elementarya at sekundarya. Nag-aral siyá sa Unibersidad ng Pilipinas at lumikha ng rekord dahil nagtapos ng bachelor of science sa kemistri noong 1925 nang summa cum laude. Siyá ang unang nagkamit ng gayong karangalan sa UP. Tinapos niya ang doktorado sa kemistri sa UST noong 1934.
Isa rin siyáng mahusay na musiko. Marunong siyáng tumugtog ng piyano, gitara, at biyolin. Tumugtog siyá ng organo sa Katedral ng Maynila.
Pagkatapos sa UP, nagtrabaho siyá sa Cebu-Portland Cement Company. Pagkuwan, lumipat siyá sa Bureau of Science. Naging interesado siyá sa potensiyal ng seramika at noong 1931 ay ipinadalá ng gobyerno sa Japan para mag-masid sa mga pabrika ng seramika. Naglakbay din siyá sa Germany at ibang bansa sa Europa para pag-aralan pa ang larangan. Pagbalik, sinimulan niya ang manupaktura ng baso mulang abo ng bagaso. Pinuri sa Philippine Carnival Exposition noong 1933 ang kaniyang planong planta ng baso. Hinangaan din ang kaniyang bagong paraan ng pag-papaputî sa himaymay ng buntal at manupaktura ng tiles.
Noong 1936, lumipat siyá sa Ceramics Industry of the Philippines ng pamilya Tuason. Naging sikat ang kompanya sa manupaktura ng mga produktong pang-estruktura. Maraming nakamit na gawad si del Mundo, kabilang na ang pagiging charter member ng National Research Council of the Philippines. Noong 13 Pebrero 1945, sa liberasyon ng Maynila, tinamaan siyá ng ligaw na bála at namatay. (GVS)