Fe del Múndo
(27 Nobyembre 1911–6 Agosto 2011)
Si Fe del Múndo ang tinaguriang “Dakilang Lakambi-ni ng Pedyatriyang Filipino.” Dahil sa kaniyang walang pagod na pagsisikap, naitatag sa bansa ang iba’t ibang institusyon at ospital na nangangalaga sa kalusugan ng mga batàng Filipino. Naging batayang panuntunan rin ang kaniyang mga pag-aaral sa pagpapalaganap ng pag-babakuna sa sanggol upang maiwasan ang mga nakamamatay na sakit. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham noong 1980.
Unang sinaliksik ni del Mundo ang mga sakít na polio-myelitis, rubella, rubeola, at varicella. Noong dekada 50, wala pang mabisang lunas sa mga sakít na ito sa Filipinas. Ang resulta ng kaniyang mga panana-liksik ang naging batayang panuntunan upang ipatupad ang malawakang pag-babakuna sa mga kabataang Filipino. Bukod sa panana- liksik, nangampanya din siyá upang paunlarin ang pagbibigay ng kalingang pangkalusugan sa mga komunidad. Pinangunahan niya ang pagsasanay ng mga hilot at manggagawang pangkalusugan sa komunidad. Inimbento rin ni del Mundo ang isang katutubong incubator na gawa sa kawayan. Malaki ang naitulong nitó sa pagligtas sa mga sanggol na isinilang na kulang sa buwan at mga batàng may jaundice.
Upang matupad ang pangarap para sa isang modernong ospital ng mga batà, ipinagbili niya ang kaniyang mga ari-arian at ipinatayô ang Children’s Medical Center, ang kauna-unahang ospital ng mga batà sa Filipinas. Nagturo din siyá ng pedyatriya sa Far Eastern University at University of Santo Tomas. Ang kaniyang aklat na Textbook on Pediatrics ay batayang aklat at ginagamit hanggang sa kasalukuyan.
Isinilang si Fe del Mundo noong 27 Nobyembre 1911 sa Maynila at anak nina Bernardo at Paz del Mundo. Naging valedictorian siyá ng Kolehiyo ng Medisina sa UP at nagpatuloy ng mataas na pag-aaral sa Estados Unidos sa tulong ng iskolarsip na ibinigay ni Pangulong Manuel Quezon. Natapos niya ang masterado sa Bakterolohiya sa Boston University hábang nagsasanay sa Harvard Medical School at Massachusetts Institute of Technology. Ipinagluksa ng marami ang kaniyang pagyao noong 6 Agosto 2011. (SMP)