Francisco del Castillo

(–17 Marso 1897)

Si Francisco del Castillo (Fran·sís·ko del Kas·tíl·yo) na kilalá rin bilang Francisco Castillo ay isa sa mga pinunô ng Katipunan sa Kabisayaan. Kasamahan niya ang Labin-siyam na Martir ng Aklan, ang mga unang bayani ng lalawigan sa panahon ng Himagsikang Filipino na pinaslang ng mga Español sa bayan ng Kalibo noong 23 Marso 1897.

Hindi naitalâ ang petsa at maging ang pook ng kaniyang kapanganakan, ngunit tiyak na nagtrabaho siyá bilang maninisid ng perlas sa Australia. Dito niya nakilála si Candido Iban na magiging kasáma niya sa Katipunan. Sa Australia, nagwagi si Iban sa loterya, at ibinigay niya ang bahagi ng premyo sa kilusan ni Supremo Andres Bonifacio. Ginamit ang salaping ito upang makabili ng kinakailangang imprenta na siyáng naglimbag sa Kalayaan at ibang papeles ng Katipunan.

Sinasabing kasáma si Castillo nina Bonifacio, Emilio Ja- cinto, at iba pang Katipunero sa paggalugad ng kabundukan ng Montalban (ngayon ay Rodríguez, Rizal) noong 1895. Dito nilá isinulat ang “Viva la Independencia Fili- pina” (“Mabuhay ang Kalayaan ng Filipinas”) sa pader ng Yungib Pamitinan; itinuturing ng ilang historyador ang okasyong ito bilang ang “Unang Sigaw” ng Himagsikang Filipino.

Noong Enero 1897, ipinadala ni Bonifacio ang dalawang kasusumpang Katipunero na sina Castillo at Iban sa Aklan upang magtatag ng unang sangay ng Katipunan sa Kabisayaan at mangalap ng mga bagong kasapi. Pinasimulan nina Castillo at Iban ang kilusang rebolusyonar- yo sa Aklan, na naging unang lugar sa labas ng Luzon na sumanib sa Himagsikang Filipino. Pagkaraang makakalap ng maraming bilang ng kasapi, hinalal si Castillo bilang heneral.

Noong 17 Marso 1897, nadakip si Iban ng mga kababay- ang naglilingkod sa mga Español at dinalá sa Kalibo. Ilang daang Katipunero, sa pamumunò ni Heneral Castillo na nakasakay sa putîng kabayo, ang nagmartsa sa Kalibo at humimpil sa harap ng mansiyon ni Capitan Municipal Juan Azaraga na pinagkukutaan ng mga opisyal ng bayan at ng guwardia sibil. Pagkatapos himukin ni Castillo si Azaraga upang lumabas, pinaputukan kaagad at nasawi ang Filipinong heneral.

Sa pagkakapatay kay Castillo, umurong ang mga nag-alsa at umakyat sa bundok. Nagpabalita agad si Koronel Ricardo Carnicero Monet, pinunò ng puwersang Español, na patatawarin niya ang mga rebolusyonaryo kung susuko. May limampung nagtatago sa kabundukan ang sumuko mula 19–22 Marso 1897. Ngunit hindi tinupad ni Monet ang pangako. Sa halip, pumilì siyá ng 20 na inakala niyang lider, na naging 19 nang pawalan ang isa. Pinahirapan ang mga ito bago hinatulang barilin sa madaling-araw ng 23 Marso. Kinaladkad ang mga bangkay nilá sa liwasang bayan upang huwag pamarisan ng ibang taga-Aklan. Pero hindi natakot ang mga kababayan at sa halip ay nagpatuloy sa pag-aalsa.

Isang munting mawsoleo at monumento para sa labinsiyam ang itinayô sa mismong kinabagsakan ng katawan ni Heneral Castillo sa Kalibo. Isang palatandaan para kay Castillo ang inilagay noong 1952 sa pangu-nahing plasa ng bayan, ang Liwasang Pastrana. Isang kalye rin ang ipinangalan sa labinsiyam na martir sa poblasyon ng bayan. (PKJ)

Cite this article as: Del Castillo, Francisco. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/del-castillo-francisco/

Related Articles