Death March

Ang Death March (det marts) ay tumutukoy sa sapilitang pagpapalakad sa humigit-kumulang na 76,000 na bihag na sundalong Filipino at Americano nang halos 100 kilometro mulang Bataan patungong Capas, Tarlac. Ang mga nasabing kawal ang mga tagapagtanggol ng Bataan na sumuko sa mga Japanese noong 9 Abril 1942. Pinamartsa ang mga bilanggo ng ilang araw nang walang pagkain o tubig hábang sila ay tumatanggap ng pang-aabuso sa kamay ng mga sundalong Japanese. Lampas diumano sa 10,000 Filipino at 1,200 Americano ang nasawi sa gútom, sakít, at pahirap kung kayâ’t itinawag ang insidente na Martsa ng Kamatayan na kinikilala bilang isa sa pinaka-karumal-dumal na halimbawa ng pagmamalupit noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Pagdating ng San Fernando, isinakay sa mga tren ang mga natirang nagmartsa hanggang makarating sila sa Kampo O’Donnell sa Tarlac upang doon ibilanggo.

Sinasabing hindi daw handa ang mga Japanese na tumanggap ng ganoon karaming bilanggo, ngunit sanhi din marahil ng kanilang pagmamalupit ay ang mababa nilang tingin sa mga sundalong sumusuko. Bukod sa pagpatay sa mga sundalong nagbalak na uminom ng tubig-kanal na malapit sa pinagdadaanan nila at sa hindi pagbibigay ng tubig at pagkain, ang mga nagmartsa ay paulit-ulit na nakaranas ng mga sumusunod: (1) ang pagpalo sa kanilang ulo ng mga Japanese nang walang kadahilanan, (2) ang sadyang pagbilad sa kanila sa init ng araw nang ilang oras, (3) ang biglaang pagsagasa sa kanila ng mga trak at tangke, at (4) ang pagbaril at pagpugot sa ulo ng mga bihag na hindi makasabay sa pagmartsa. (MBL) (ed VSA)

Cite this article as: Death March. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/death-march/