Geminiano T. de Ocampo
(16 Setyembre 1907–2 Setyembre 1987)
Si Geminiano T. de Ocampo (He·mín·yá·no Ti de O·kám·po) ang tinaguriang “Ama ng Maka- bagong Optalmolohiya” sa Filipinas. Kilalá siyá bilang isa sa pinakamahusay na optalmologo ng bansa, mananaliksik, imbentor, manunulat, at lider sibiko. Pinangunahan niya ang pagtatatag ng kauna-unahang ospital ng matá sa Filipinas at naging susi sa pag-oorganisa ng Philippine Ophthalmological Society at Philippine Eye Research Institute. Bilang isang imbentor, nagdisenyo siyá ng bagong instrumento na tinaguriang de Ocampo corneal dissector. Siyá rin ang unang siruhano na nagpasimula ng corneal transplantation sa Filipinas. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham noong 1982.
Isa sa pinakamahalagang saliksik na kaniyang pinamunuan ay ang Case Report on Neovasculogenesis of the Retina, Perivasculitis, and Plevitis Retina na nalathala noong 1944. Sumulat rin siyá ng isang komprehensibong ulat na pina-magatang Blindness During the Japanese Occupation in the Philippines. Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaig-dig, nagtungo si de Ocampo sa Estados Unidos upang ipagpatuloy ang mas mataas na pagsasanay. Dito niya nat- utuhan ang makabagong paraan ng corneal transplantation at sinimulang gamitin sa Filipinas. Inimbento rin niya ang de Ocampo corneal dissector na nagpadalî ng proseso ng pagtitistis sa matá. Pinasimulan niya ang pagtatayô ng De Ocampo Eye Hospital noong 1952, ang kauna-unahang ospital ng matá sa Filipinas. Malaki rin ang naging kon-tribusyon niya sa pagsususog ng Republic Act 343 upang mapalakas ang mga patakaran sa pagbibigay ng matá ng mga yumao na. Dahil sa batas na ito, maraming Filipino ang nailigtas mula sa tuwirang pagkabulag.
Isinilang si de Ocampo noong16 Setyembre 1907 sa Ma- lolos, Bulacan at anak nina Juan de Ocampo at Vicenta Tiongson. Nakatapos siyá ng Medisina sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1932 at nagpakadalubhasa sa optalmolohiya. Hábang naglilingkod sa iba’t ibang ospital sa Maynila ay nagtuturo rin siyá sa unibersidad. Napakaraming karangalan at pagkilala ang iginawad sa kaniya ng gobyerno ng Filipinas at mga pribadong institusyon, kabilang ang Republic Heritage and Cultural Award for Science (1961), Distinguished Service Medal (1965), Jose Rizal Award for Excellence (1968), Distinguished Medical Alumnus ng UP (1971), Ayala Award for Medical Science (1974) bago yu- mao noong 2 Setyembre 1987. (SMP)