Carmen de Luna

(16 Hulyo 1973–4 Nobyembre 1962)

Isang ulirang edukador, ginugol ni Carmen de Luna (Kár·men de Lú·na) ang 60 taón ng kaniyang buhay sa larangan ng edukasyon kayâ kinilálang “edukador ng mga edukador.”

Ipinanganak siyá sa San Miguel, Maynila noong 16 Hulyo 1873 kina Se- bastian de Luna at Ignacia Villajuan. Laking interna siyá at naging maestra elemental noong 1890 bago naging maestra superior noong 1894. Naging lisen-siyado siyáng guro sa taón ding iyon. Noong 1907 at nakatapos siyá ng bachelor of arts and science, itinatag nilá ni Librada Avelino ang Centro Escolar de Señoritas. Nang maging sapilitan ang paggamit ng Ingles, nag-aral silá ni Avelino sa Hong Kong at pagbalik nilá ay naging isa sa mga tagapagpauna sa pagtuturo ng Ingles ang Centro Escolar.

Nang mamatay si Avelino noong 1934, siyá ang pumalit na pangulo ng Centro Escolar hanggang mamatay siyá noong 4 Nobyembre 1962. Bukod sa pamamahala ay aktibo si de Luna sa mga gawaing sibiko at relihiyoso. Miyembro siyá ng La Gota de Leche, Liga de Mujeres, Cofradia de Nuestra Señora del Carmen, Cofradia de San Jose Recoletos, at marami pa. Dahil dito, ginawaran siya ng Papa Pius XII noong 1950. Binigyan din siyá ng award of merit ni Pangulong Quirino noong 1949, at ng gawad ng pangulo noong 1961.

Noong 1973, isang marker ng pag-alaala sa kaniya ang inilagay ng National Historical Institute sa gusali ng Centro Escolar University sa Kalye Mendiola, San Miguel, Maynila. (GVS)

Cite this article as: De Luna, Carmen. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/de-luna-carmen/