Epifanio de los Santos

(7 Abril 1871–18 Abril 1928)

Si Epifanio de los Santos (E·pi·fán·yo de los Sán·tos) ay isang iginagálang na historyador at iskolar. Itinuturing siyáng “Unang Akamedisyang Filipino” at “Dakila sa mga Dakilang Iskolar na Fili- pino.” Sa kaniya ipinangalan ang EDSA, ang pinakama- habà at pangunahing lansangan ng Kamaynilaan at pinakatanyag na daan ng Filipinas.

Bilang manunulat, itinuturing si De los Santos bilang isa sa mga pangunahing Filipinong manunulat sa wikang Español ng kaniyang panahon. Siyá ang unang Filipino na mahirang na kasapi ng Royal Academy of Language, Royal Academy of Literature, at Royal Academy of History ng España sa Madrid. Katuwang siyáng patnugot ng pahayagang rebolusyonaryong La Independencia, at kasámang tagapagtatag ng mga diyaryong La Libertad, El Renaciemento, La Democracia, La Patria, at Malaysia. Naglimbag siyá ng mga akda tungkol sa kasaysayan at kalinangan ng Filipinas, ang Algo de Prosa (1909), Literatura Tagala (1911), El Teatro Tagalo (1911), Nuestra literatura a traves del siglo (1913), El Proceso del Dr. José Rizal (1914), Folklore Musical de Filipinas (1920), Filipinos y filipinistas, Filipinas para los Filipinos, Cuentos y paisajes Filipinos, at Criminality in the Philippines (1903–1908). Isa siyáng dalubwika sa Español, Ingles, French, German, at Tagalog.

Bilang iskolar, nag-ambag siyá sa mga unang pag-aaral sa Filipinas sa antropolohiya, etnolohiya, arkeolohiya, lingguwistika, at demograpiya. Naglakbay siyá sa mga museo at aklatan ng Europa upang mangalap ng mga pambihirang dokumento at gamit mula at tungkol sa Filipinas. Bilang estadista, nahalal si De los Santos bi- lang gobernador ng Nueva Ecija noong 1902 at 1904. Siyá ang unang gobernador ng lalawigan na nahalal sa demokratikong paraan. Pagkatapos ng kaniyang ter- mino, hinirang siyáng piskal panlalawigan ng Bulacan at Bataan. Noong 1925, hinirang siyá ni Gobernador Heneral Leonard Wood bilang direktor ng Pambansang Aklatan at Museo.

Isinilang siyá noong 7 Abril 1871 sa Malabon kina Escolastico de los Santos ng Nueva Ecija at musikerang si Antonina Cristóbal ng Malabon. Nakamit niya sa Ateneo Municipal de Manila ang Batsilyer sa Arte na may parangal na summa cum laude, at pagkatapos ay kumuha ng abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas. Nanguna siyá sa bar exam. Nagkaroon siyá ng apat na anak sa unagng asawa na si Ursula Paez at walong anak sa ikalawang asawa na si Margarita Torralba. Pumanaw siyá noong 18 Abril 1928 hábang nasa katungkulan. (PKJ)

Cite this article as: De los Santos, Epifanio. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/de-los-santos-epifanio/

Related Articles