Isabélo de los Réyes
(7 Hulyo 1864–10 Oktubre 1938)
Si Isabélo de los Réyes ay isang peryodista, lider obrero, politiko, at kinikilalang “Ama ng Unyonismo sa Filipinas.” Dahil sa kaniyang mga isinulat at aktibismong pang-ob-rero, itinuturing din siyáng “Ama ng Sosyalismong Filipino.” Isa siyá sa mga nagtatag ng kauna-unahang malayang simbahang Filipino, ang Iglesia Filipina Independiente o Simbahang Aglipay.
Isinilang siyá noong 7 Hulyo 1864 sa Vigan, Ilocos Sur kina Elias de los Reyes at ang kilaláng makatang Ilokana na si Leona Florentino. Matapos mag-aral sa seminaryo ng Vigan, pumasok siyá sa Colegio de San Juan de Letran at nagtapos ng batsilyer sa sining. Nagpakadalubhasa siyá sa Unibersidad ng Santo Tomas sa batas sibil, batas penal, at mga wikang banyaga. Bilang peryodista, itinatag niyá ang pahayagang El Ilocano noong 1889 at inilathala noong 1894 ang El Municipio Filipino. Naging patnugot din siyá ng Lectura Popular noong 1890.
Pinaghinalaan siyáng kasapi ng Katipunan at dinakip ng mga Español noong Enero 1897. Pagkaraan ng dalawang buwan ay ipinatapon siyá at ikinulong sa bartoli- na ng Castillo de Montjuich sa Barcelona, España. Dahil sa Kasunduang Biyak-na-Bato, nakalaya siyá noong 14 Disyembre 1897. Pagbalik niyá sa Filipinas noong 1 Hulyo 1901, naging aktibo siyá sa kilusan sa paggawa. Itinatag niyá ang Union Obrera Democratica, ang un- ang unyon ng mga manggagawa sa bansa, at nahalal na tagapangulo nitó.
Noong 3 Agosto 1902, pinamunuan niyá sa tulong ni Pascual H. Poblete ang pagtatatag ng isang simbahang malaya mula sa Santo Papa at Simbahang Romano Katoliko, ang Iglesia Filipina Independiente. Hinirang niyá ang kapuwa Ilokanong si Gregorio Aglipay upang maging unang obispo nitó. Naging aktibo naman siyá sa politika at noong 1905 ay itinatag niyá ang Partido Republicano. Nahalal siyáng konsehal ng Maynila (1912–1919) at naging senador ng Ilocos (1922–1928). Nang magka-sakit sa puso noong 1929, ipinasiya niyáng mamahinga na lámang at tumiwalag sa politika. Namatay siyá noong 10 Oktubre 1938. (PKJ)