Narcisa B. de Leon
(29 Oktubre 1877–6 Pebrero 1966)
Si Narcisa Buencamino de Leon (Nar·sí·sa Bu·wén·ka·mí·no de Le·yón), mas kilala bilang Donya Sisang, ay itinuturing na “Grand Old Lady of the Philippine Movies.” Ang LVN Pictures, na pinamunuan niya, ay isang haligi ng industriyang lokal ng pelikulang Filipino.
Isinilang siyá sa San Miguel, Bulacan noong 29 Oktubre 1877. Noong 1904, pinakasalan siyá ni Don Jose “Pepe” de Leon, isang politiko sa San Miguel, at nag-karoon silá ng limang anak. Naging matagumpay ang dalawa sa kanilang negosyo at nagkaroon ng mga lupain sa Bulacan, Maynila, at iba pang lugar sa Luzon. Noong 1938, nagbigay siyá ng kapital sa pagtatayô ng isang es- tudyo kasama ang pamilyang Villonco at Navao. Mula dito, nabuo ang LVN Pictures. Matagumpay na napasok ng LVN ang industriya ng pelikula nang ilabas nitó ang musical na Giliw Ko ni Carlos Vander Tolosa noong 1939. Sinundan ito ng isa na namang matagumpay na pelikula na Ibong Adarna ni Manuel Conde na kauna-unahang gumamit ng color sequence at unang pelikulang lokal na umani ng higit isang milyong piso. Nag- ing pangulo si Donya Sisang ng naturang organisasyon noong 1940. Ipinasara ito noong pananakop ng Japan noong Disyembre 1941 at muling nagbukas noong 1945.
Nagtuloy-tuloy ang tagumpay ng LVN Pictures mula sa paghawak ng mga batikang artista gaya nina Rogelio de la Rosa at Diomedes Maturan at paglalabas ng mga prestihiyosong pelikula gaya ng Anak Dalita ni Lamberto Avellano noong 1956. Kilalá si Donya Sisang sa kaniyang mahusay na pagpilì ng mga artista at pagpapasikat sa mga ito. Ilan sa mga inalagaan niya ay sina Charito Solis, Nida Blanca, Armando Goyena, Luz Valdez, Delia Razon, at Mario Montenegro.
Personal na pinangasiwaan ni Donya Sisang ang LVN mula sa isusuot ng mga artista hanggang sa diyalogo ng pelikula. Binabasa at inaaprubahan niya ang mga iskrip kung kayâ ang personal na panlasa niya ang nagdidikta at nagdidirekta sa magiging tema ng LVN. Nang malugi ang LVN noong dekada 60, nagpatuloy siyá bilang prodyuser sa Dalisay Pictures hanggang mamatay noong6 Pebrero 19661966. Ang kaniyang apo na si Mike de Leon ay naging prestihiyosong director noong dekada 70. Ang pelikula nitóng Kung Mangarap Ka’t Magising noong 1977 ay inihandog niya sa sentenaryo ng kapanganakan ni Donya Sisang. (KLL)