Gerardo de Leon

(12 Setyembre 1913–25 Hulyo 1981)

National Artist for Film

Iginawad kay Gerardo de Leon (He·rár·do de Le·yón) ang Pambansang Alagad ng Sining para sa Pelikula noong 1983. Isa siyáng premyadong direktor, aktor, at doktor ng medisina. Pamana niya sa pelikulang Filipino ang mga klasikong tulad ng Sisa (1951); Noli Me Tangere (1961); El Filibusterismo (1962); at, Daigdig ng mga Api (1965).

Para sa kaniya, ang husay ng pagsalaysay sa pamamagitan ng mga imahen ay sukat ng husay ng pelikula. Nagsimula siyáng maging direktor sa mga pelikulang, Bahay Kubo (1938) at Ama’t Anak (1939). Dahil sa Ika-lawang Digmaang Pandaigdig, nahinto siya sa paggawa ng pelikula, naging direktor sa teatro at nagbalik sa pagiging doktor. Pagkatapos ng digmaan nagpatuloy siya sa paglikha ng pelikula at nag-ambag ng mga hiyas sa industriya, gaya ng Sawa sa Lumang Simboryo (1952); Banga ni Zimadar (1953); Dyesebel (1953); Pedro Penduko (1954); Sanda Wong (1955); Kamay ni Cain (1957); Bakya Mo Neneng (1957); Ako ang Katarun- gan (1962); at Kulay Dugo (1964). Gumawa rin siyá ng mga pelikula kasama ang batikang direktor na si Eddie Romero para itanghal sa ibang bansa.

Ginawaran siyáng pinakamahusay na direktor ng Maria Clara Award para sa pelikulang Kamay ni Satanas (1950). Kasama siyá sa Hall of Fame ng Film Academy of Movie Arts and Sciences dahil sa mahigit na limang ulit na nagkamit ng pa- rangal ng FAMAS para sa Direktor at sa iba pang mga kategorya ng Gawad FAMAS. Nagkamit siyá sa Asian Film Festival sa Singa- pore ng pinakamahu- say na direktor ng taon dahil sa pelikulang Ifugao (1954).

Isinilang siyá noong 12 Setyembre 1913 sa pamilyang nasa teatro. Ama niya ang bantog na direktor ng sarsuwela na si Hermogenes Ilagan at ina si Casiana de Leon na isa namang mang-aawit. Si de Leon at ang kaniyang asawa na si Fely Vallejo ay may isang anak na babae, si Maria Fe, na napangasawa ni Ronaldo Valdez at ina ng aktor at mang-aawit na si Janno Gibbs. Nag-aral siyá at nagtapos ng medisina sa Unibersidad ng Santo Tomas habang nag-aartista, at naging ikaanim pa na pinakamataas sa pagsu- sulit para sa mga doktor. (RVR)

Cite this article as: De Leon, Gerardo. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/de-leon-gerardo/

Related Articles