Felipe Padilla de Leon
(1 Mayo 1912–5 Disyembre 1992)
Si Felipe Padilla de Leon (Fe·lí·pe Pa·díl·ya de Le·yón) ay itinuturing na pinakamagaling na kompositor matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining sa Musika noong 1997.
Sa layuning maunawaan, tangkilikin, at umunlad ang pagpapahalaga sa musika ng mga Filipino, isina-Filipino ni De Leon ang mga musikang Kanluranin. Gayunman, ang tunay na musikang Filipino, ayon mismo sa Maestro ay malilikha lámang kung ang kompositor ay mahigpitna umuugat sa sariling kultura at nagtataguyod ng aspirasyon ng kaniyang lahi. Hango sa esensiya ng katutubong balitaw, danza, kumintang, awit, tagulalay, dalit, at kundiman ang maraming komposisyong De Leon. Nasaklaw ng nilikha niyang obra ang tradisyonal at katutubo hanggang sa moderno at eksperimentasyon. Ang makabayang kompositor ay lumikha ng “Ako’y Pilipino,” “Ang Lahi ko’y Dakila,” “Mabuhay ang Pilipino,” “Lupang Tinubuan,” “Pilipinas ang Bayan Ko,” at “O Pilipinas.” Ang kaniyang bersi- yon ng Noli Me Tangere (1957) ay ang unang operang kundi- man na ganap ang habà. Mga natatanging niyang komposi- syon sa musikang pang-orkestra ang “Maria Makiling Overture” (1939), “Roca Encanta- da” (1950), at “Manila Overture” (1976).
Itinatag ni De Leon ang Himig ng Lahi noong 1948 upang mas mailapit sa Filipino ang musika. Naglingkod siyang pangulo ng Filipino Society of Composers, Authors and Publishers (FILSCAP) mula 1965 hanggang 1985. Marami siyang karangalang tinanggap, kabilang ang Presidential Medal of Merit (1961); Rizal Pro Patria Award (1961); Republic Cultural Heritage Award (1971); Patnubay ng Sining at Kalinangan (Lungsod Maynila 1971); First Cultural Achievement Award (CCP at Philip- pine Government Cultural Association 1975); at Doctor of Philosophy in the Humanities (UP 1991).
Isinilang siyá noong 1 Mayo 1912 sa Peñaranda, Nueva Ecija kina Juan De Leon at Natalia Padilla. Nagtapos siyá sa UP Conservatory of Music noong 1939. Kumuha siyá ng karagdagang pag-aaral sa komposisyon sa ilalim naman ni Vittorio Giannini ng Juilliard School of Music sa New York. Nagsilbing guro rin si De Leon sa maraming unibersidad sa bansa. Pumanaw ang Maestro noong 5 Disyembre 1992. (RVR)