Honorata de la Rama (Atang de La Rama)
(11 Enero 1902–11 Hulyo 1991)
Hinirang si Honorata de la Rama (O·no·rá·ta de la Rá·ma) bilang Pambansang Alagad ng Sining sa Teatro/ Musika noong 1987. Mas kilala bilang Atang de la Rama, napatanyag siyá bilang “Reyna ng Sarsuwela at Kundiman.”
Unang umani si Ka Atang ng pambansang pagkilala sa natatanging pagganap niyá sa sarsuwelang Dalagang Bukid na itinampok kapuwa sa teatro at pinilakang-tabing. Naging paborito siyá ng madla sa kasuotang balintawak at pag-awit ng “Nabasag ang Banga.” Mula noon, mahigit 50 sarsuwela sa Español, Tagalog, Pampanggo, at Ilokano na ang pinagbidahan ni Ka Atang. Pinakatanyag sa mga ito ay ang Alamat ng Nayon (1920), Ararong Ginto, Ang Mestiza, Paglipas ng Dilim, Sundalong Mantika, Anak ng Dagat, Mga Kamag-anak, at Sa Bunganga ng Pating. Ngunit sa mga ito, walang makapapantay sa tagumpay na naabot ng Ang Kiri na itinanghal nang mahigit 700 beses at Dalagang Bukid na sinasabing may pinakamaraming bilang ng pagtatanghal sa kasaysayan ng dulaang Filipino Ipinakilala rin niyá ang kundiman sa mga dayuhang manood sa Hong Kong, Shanghai, Tokyo, at Estados Unidos na mayroon ding malalaking komunidad ng mga Filipino.
Isinilang siyá noong 11 Enero 1902 sa Pandacan, Maynila, pinakabatà si Ka Atang sa apat na magkakapatid na maagang naulila. Pinalaki siyá sa Gagalangin, Tondo ng kapatid na si Pastora Matias at asawa nitó na si Leon Ignacio, isang kompositor. Si Maestro Ignacio ang kalauna’y lilikha ng Dalagang Bukid, ang sarsuwelang maglulunsad ng karera ni Atang sa sarsuwela. Nagtapos siyá ng Bach- elor of Science in Pharmacy sa Centro Escolar, at kumuha ng mga voice lesson kina Victorino Carreon ng Quiapo, Soprano Galia Arellano, Nelli Farnerie, at Isang Tapales. Nagpatuloy siyá ng kaniyang pag-aaral sa New York noong 1925 sa Royal Dramatic fteatre Academy. Ikinasal siyá sa naging Pambansang Alagad ng Sining na si Amado V. Hernandez. Namatay si Ka Atang noong 11 Hulyo 1991. (RVR)