Apolonio de la Cruz
(1864–1897)
Isa sa “13 Martir ng Bagumbayan,” walang gaanong ulat hinggil sa kabataan ni Apolonio de la Cruz (A·po·lón·yo de la Kruz) maliban sa ipinanganak siyá noong 1864 at nag-iisang anak ni Felipa de la Cruz na tubòng-Bigaa, Bulacan. Napangasawa niya noong 1884 si Apolonia Gallardo, anak ng isang guwardiya sibil, at nagkaroon silá ng tatlong anak.
Hepe siyá sa imprenta ng Diario de Manila at tulad ng maraming manggagawa doon ay kasapi sa Katipunan. Ang peryodiko ay pag-aari ng Ramirez y Compañia at ang imprenta ay nása Kalye Beaterio kanto ng Kalye Magallanes sa Intramuros. Lihim na nagpupulong ang mga manggagawang Katipunero kapag pahinga sa tanghali o kayâ noon nilá ginagawa sa pugon ang mga punyal at itak gayundin ang mga tipo na ginamit sa imprenta ng Katipu- nan. Silá ang nagpuslit ng mga kailangan sa paglilimbag ng Kalayaan.
Bílang lider ng sangay sa imprenta, si Apolonio ang dumalo sa pulong ng mga hepe ng Katipunan sa Pasig noong 1 Mayo 1896 at pinagkati-walaan ng mga dokumento ng samahan.
Sinasabi na nakaalit niya si Teodoro Patiño, isang kasamahang Bisaya, dahil magkaribal sa pagtataas ng suweldo. Gayunman, sinasabi ring isa talagang basagulero at sugarol si Patiño at naubos ang salapi sa sabong bago naganap ang pagsusuplong ng kaniyang kapatid na si Honoria (Sor Teresa de Jesus) kay Padre Mariano Gil, isang Agustino. Nang salakayin ang imprenta noong 19 Agosto 1896, maraming nasamsam na ebidensiya kay Apolonio, kabílang ang punta de diamante—ang punyal na panseremonya ng Katipunan at listahan ng mga kasapi.
Noong 6 Pebrero 1897, binitay sa pagbaril sa Bagumbayan si Apolonio kasáma ang siyam pang kapatid sa Katipunan: sina Roman Basa, Teodoro Plata, Vicente Molina, Hermenegildo de los Reyes, Jose Trinidad, Pedro Nicode-mus, Feliciano del Rosario, Gervasio Samson, at Doroteo Dominguez. (GVS)