Apolinario de la Cruz
(22 Hulyo 1814–4 Nobyembre 1841)
Kilalá si Apolinario de la Cruz (A·po·li·nár·yo de la Krus) sa bansag na “Hermano Pule” bilang pinunò at tagapagtatag ng Cofradia de San José. Pinamununan niya ang isang pag-aaklas laban sa mga Español na nakabatay sa kalayaang panrelihiyon at pagkakapantay-pantay ng mga Español at Indio sa kaparian.
Isinilang siya noong 22 Hulyo 1814 sa Barrio Pandac sa bayan ng Lucban, Tayabas (ngayon ay lala- wigan ng Quezon) kina Pablo de la Cruz at Juana Andres, pawang mula sa pamilyang maykaya at debotong Katoliko. Pinangarap niyang magpari, at sa edad na 15 ay sumubok sumali sa orden ng mga Dominiko sa Maynila. Ngunit hindi pa noon tumatanggap ng mga Indio ang mga ordeng Romano Katoliko, kung kayâ naging donado na lamang muna siya sa Ospital ng San Juan de Dios at nagtrabaho sa Cofradia de San Juan de Dios. Sa panahong ito pinag-aralan ni de la Cruz ang Bibliya at iba pang banal na kasulatan.
Nagbalik siya sa Lucban noong 1832 at itinatag ang Co- fradia de San José, isang kapatirang binubuo lamang ng mga Indio. Hindi pinahihintulutang sumapi ang mga Español at mestiso nang walang pagsang-ayon ni de la Cruz, na siya namang tinawag ng kaniyang mga tagasunod bilang “Hermano Pule” (o “Hermano Puli”). Ninais niyang maging legal ang Cofradia dahil sa paglaki ng kasapian ngunit binatikos ito ng mga paring Español, sa pangunguna ni Arsobispo Jose Segui. Naghinala ang pamahalaan ni Gobernador-Heneral Marcelino Oraa na isang sama- hang mapanghimagsik ang Cofradia. Sinalakay ng mga sundalo ang kampo ng Cofradia sa Majayjay, Laguna noong19 Oktubre 1840. Nagkataóng nasa Maynila noon si Hermano Pule kayâ nakaligtas.
Nagsimulang mamuhay na parang rebelde ang mga kasapi ng Cofradia. Sa isang malaking labanan sa Ali-tao, isang lugar na malapit sa Tayabas, ganap na nalansag ang hukbo ni Hermano Pule. Nakatakas siya ngunit nasundan at nadakip. Madalian siyang nilitis at binitay sa bayan ng Tayabas noong 4 Nobyembre 1841. Pinagputol-putol ang kaniyang katawan. Tinuhog ang kaniyang ulo at itinanghal sa daan patungong Majay- jay upang huwag sundan ng taumbayan ang tinawag nilang “Hari ng mga Tagalog.” (PKJ)