Pelipe de Jesus
Si Pelipe de Jesus (Pe·lí·pe de He·sús) ay isa sa mga unang nalathalang makatang Filipino sa panahon ng mga Español. Ang kaniyang mahabàng tula na may pamagat na “Dalit na pamucao sa tauong Babasa nitóng libro” ay nalathala bilang tulang papuri sa salin ni Fray Antonio de Borja ng Barlaan at Josaphat noong 1712. May mga kritiko nitóng ika-20 siglo ang humanga sa husay gumamit ng talinghaga ni de Jesus kayâ malimit sumipi ng bahagi mula sa kaniyang 46 saknong na dalít. Halimbawa, ang paghahambing niya sa mga kababayang bagong binyagan sa inakay at sa namamangka na nan- gangailangan ng patnubay (na gaya ng libro ni de Borja) upang higit na maging mabuting Kristiyano:
Ibong mumunti sa pugad sa inang inaalagad ay dili makalilipad hanggang sa di magkapakpak.
Bagaman mahigit ka nang sandaang taong binyagan, ang lagay mo’y kung pagmasdan sisiw ka pang kaluguhan.
Mabuway ka pang mistula biray mo’y gigila-gila yumua ka ma’y di pa nga bihasa sa pamamangka Sang-ayon na rin sa maikling pagpapakilála ni de Borja, si de Jesus ay isang makatang taga San Miguel, isang bayang “kahibaybayan ng Maynila.” Noong 1712, ang bayan ng San Miguel na katabi ng Maynila ay ang San Miguel na distrito ng Maynila ngayon. (ECS)