Constancio De Guzman

(11 Nobyembre 1903–16 Agosto 1982)

Si Constancio Canseco De Guzman (Kons·tán·syo Kan·sé·ko De Guz·mán) ay isang bantog na kompositor at pinunò ng samahang pangmusika sa Filipinas.

Isinilang siya kina Higino de Guzman, isang manunulat sa wikang Español, at Margarita Canseco sa Maynila. Ikinasal at nagkaroon siya ng anim na anak kay Leonor Buensuceso. Apo siyá ng kuwentistang si Severino Reyes, pamangkin ng nobelistang na si Lope K. Santos, at kapa- tid ng direktor na si Susana de Guzman. Noong kabataan, nag-aral siya ng piyano at komposisyon sa ilalim ni Nicanor Abelardo subalit pinag-aral siya sa eskuwelahang pang-abogasya. Lumipat siyá sa komersiyo at nagtapos ng business administration noong 1931. Matapos maipasa ang Certified Public Accountancy board, nagtrabaho siyá sa industriya ng pelikula kasáma si Susana.

Isang aksidente ang pagsikat ng komposisyon niyang Panaginip. Nang marinig ng kaniyang ama na tinutugtog ito ni Constancio, inilabas ito ng kaniyang ama sa pag-aakalang gawa ito ng isang kaibigan. Naging mabenta ito at ikinagulat ng kaniyang ama nang matuklasang isinulat ito ng sariling anak. Mula noon, nakapagrekord siyá ng daan-daang tugtugin sa ilalim ng Villar Records at Columbia Records. Naging direktor siyá ng maraming samahang pangmusika at gayundin, naging direktor ng Filipino Society of Composers, Arrangers, and Publishers (FILSCAP).

Ilan sa mga komposisyon niya ang: Bayan Ko; Babalik Ka Rin; Ang Tangi Kong Pag-ibig; Birheng Walang Dambana; at Maalaala Mo Kaya. Naging kompositor siyá ng mga awitin sa pelikulang Arimunding-mund-ing; Señorita; Sarung Banggi; Probinsiyana; Darna; Roberta; at Ikaw ang Aking Buhay na nagbigay sa kaniya ng parangal na Best Musical Scorer mula sa Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) noong 1959. Naging direktor pangmusika siyá sa mga pelikula ng Sampaguita, LVN, Royal, Excelsior, Lea, at Tagalog Ilang-ilang. Noong 1948, pinarangalan ang kaniyang komposisyong Ang Bayan Ko at Kung Kita’y Kapiling sa Paris International Fair at sa Awit Award bilang pinaka-mahusay na tagasulat ng liriks sa Filipino. (KLL)

Cite this article as: De Guzman, Constancio. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/de-guzman-constancio/