Darháta Sawábi

(–namatay 12 Marso 2005)

Ipinagkaloob kay Darháta Sawábi ng Barangay Parang, Jolo, Sulu ang Gawad Manlilikha ng Bayan noong taong 2005. Para ito sa dedikasyon niyang mapanatili ang sining ng pagha- habi ng “pis syabit” sa pamamagitan ng patuloy na paggawa nitó at ng pagtuturo sa mga nakababatang Tausug. Ang pissyabit ang tradisyonal na telang tapiseriya na ipinambabalot sa ulo ng mga Tausug ng Jolo. Hinahabi ito ng kababaihan at ipinapasa ang kaalamang ito sa kanilang mga anak na babae.

Hindi madali ang paghabi ng pis syabit. Katunayan, ang paggawa lamang ng balangkas ng tapiseriya ay inaabot nang tatlong araw. Isinasagawa ito sa pamamagitan ng paglalagay ng itim at pulang sinulid sa balangkas na gawa sa saging at kawayan. Bukod sa pula at itim, gumagamit din ng ibang kulay si Sawabi, ayon sa pangangailangan ng napiling disenyo.

Tumatagal nang tatlong buwan ang paghahabi ng isang pis syabit na may sukat na 39 x 40 pulgada. Kompara sa habi ng iba, higit na mahal ang presyo ng mga likha ni Sawabi dahil sa galing niya sa sining na ito at sa hirap ng kaniyang mga disenyo. Kinikilala ang kaniyang kahusayan sa pagsasama-sama ng iba’t ibang kulay, kapinuhan ng kaniyang paglala, at ang katapatan sa tradisyonal na disenyo ng kanilang pangkat pangkultura.

Bukod sa hirap na dulot ng mekanikal na paglikha ng pis syabit, naging pagsubok din para sa kaniya at sa kaniyang pamilya ang paglalabanan sa kanilang lugar. Noong dekada 70, dalawang beses nilang kinailangang iwan ang kanilang tahanan. Sa pagkakataong iyon, kinailangan din niyang iwan ang hinahabi. Noong mga panahong naipit sila sa labanan, ang kaniyang kinikita sa patuloy na paghahabi ang tumustos sa kanilang pangangailangan. At ang kaniyang mga parokyano ang mga nakikipaglaban na dumaraan sa kanilang nayon.

Binuksan niya rin ang kaniyang búhay at bahay sa pagtu- turo ng paghahabi sa kababaihan ng kanilang komunidad. Dahil sa dedikasyong ito sa sining ng paghahabi ng pis syabit sa panahon man ng kapayapaan at kaguluhan patuloy na hahangaan at mapag-aaralan ng ilang henerasyon ang tradisyonal na disenyo ng mga Tausug. Pumanaw si Darhata Sawabi noong 12 Marso 2005. (GB)

Cite this article as: Darhata Sawabi. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/darhata-sawabi/