dapâ

Philippine Fauna, fish, aquatic animals

 

 

Ang isdang dapâ o tinatawag ding “lapád” ay kabilang sa grupo ng Pleuronectiformes na ang isang matá ay lumilipat sa kabilang bahagi ng ulo kapag nása tamang gulang na. Ang palik-pik sa likod at puwit ay mahahabà. Ang katawan ay masyadong pikpik o sik-sik, medyo pabilog sa tagiliran ng matá at makinis o patag sa bahag-ing walang matá. Ang matá ay maaaring nakalitaw sa ibabaw ng katawan kung kayâ’t puwede pa ring makakita kahit na naka-libing ito. Ito ay matatagpuan sa tropiko at sub-tropikong ba-hagi ng mundo. Apat na espesye ay matatagpuan sa tubig tabang samantalang 20 espesye naman ang kadalasa’y nása dagat ngunit paminsan-minsan ay pumapasok din sa tubig tabang.

 

May 11 pamilya ng lapád ang naitalâ. Ang Pseudo-rhombus arsius ay kabilang sa pamilya Paralichthyidae. Ang palikpik sa likod at puwit ay walang tinik. Ang ilang pares ng medyo malaking pangil ay nása harapan ng magkabi-lang panga samantalang ang 6–13 pahalang na ngipin sa ilalim ng panga ay matitigas at mas malalaki ang pagitan kompara sa mga ngipin sa itaas ng panga. Ang kalaykay sa hasang ay patulis at mas mahabà kaysa malapad. Ang karaniwang laki ay 30 sentimetro at ang pinakamahabàng naitalâ ay 45 sentimetro. Ito ay matatagpuan sa mababa-baw na tubig at estuwaryo, kadalasan sa maputik at mabu-hanging lugar na ang lalim ay hanggang 200 metro. Ang bahagi ng katawan na may matá sa espesye ng Bothus pan-therinus na kabilang sa pamilya Bothidae ay may maitim na mga batik at bilog sa katawan at gitna ng palikpik. May isang bukod tanging batik sa gitna ng tuwid na bahagi ng pahalang na linya sa katawan.

 

Ang lapád ay kumakain ng maliliit na organismo na makikita sa ilalim ng dagat. Maraming espesye ang komersiyal na ibinebenta nang sariwa o idinaeng. (MA)

Cite this article as: dapâ. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/dapa/