Bado Dangwa
(5 Mayo 1905–1976)
Popular bílang pangunahing negosyante ng transportasyon sa Cordillera, ang pilantropo at politikong si Bádo Dángwa ay isinilang noong 5 Mayo 1905 sa Kapangan, Benguet. Nag-aral siyá sa Trinidad Agricultural School (Mountain Province Agricultural School ngayon) sa Benguet. Ngunit napakahilig sa pagkalikot ng makina at ginanyak pa siyá ng guro at kaibigang si James Wright. Si Wright din ang gumanyak sa kaniya sa magandang posibilidad ng negosyo sa transportasyon. Dahil walang puhunan, tinulungan din ni Wright si Bado na mabili ang limang karag-karag na kotse ni Emilio Milia, may-ari ng isang garahe sa Trinidad.
Mabilis na naisaayos ni Bado ang mga kotse. Wala naman siyáng pambili ng gasolina. Isa pang kaibigan, si G. Equies, ang nagpahiram ng P10 kay Bado. Hindi nagtagal, ang mga bulok na kotse ay nakumbert sa mga dyipni ni Bado sa rutang Trinidad–Lungsod Baguio. Noong 1928, tatlo sa mga ito ang popular na sasakyang pampasahero sa Mountain Province, bago pa mauso ang dyip mula sa sasakyan ng Americano na GI pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Nagtayô pa ng kantina si Bado para sa mga drayber.
Umunlad ang negosyo ni Bado at naging Dangwa Transportation Company. Bago magkadigma, may 173 bus ito na pampasahero at panghakot ng kargamento. Marami ang bumibiyaheng Maynila–Baguio. Sa panahon ng digma, lumahok sa kilusang gerilya si Bado at nagkaranggong koronel. Ngunit malaki ang nasira sa kaniyang negosyo. Muling niyang itinayô ang kompanya ng transportasyon sa tulong ng mga kaibigan.
Kinilála ng mga politiko ang kaniyang husay. Noong 1953, hinirang siyá ni Pangulong Quirino na gobernador ng Mountain Province, na binubuo noon ng Bontoc, Ifugao, Kalinga-Apayao, at Benguet. Nang pumalit si Pangulong Magsaysay, hinirang nitóng muli si Bado na gobernador ng probinsiya. Nang gawing inihahalal ang pinunò ng lalawigan, kumandidato si Bado noong 1953 at nagwagi. Nahalal pa siyá nang dalawang ulit, 1956– 1959, 1960–1963. Kasal si Bado kay Maria Antero, na naging isang aktibong lider sibiko sa Benguet at Lungsod Baguio. Namatay si Bado noong 1976. Ipinangalan sa kaniya ang isang kam- po ng PNP sa Benguet. (GVS)