dampalít

Philippine Flora, aquatic plants, plants, El Filibusterismo, Jose Rizal

 

 

Ang dampalít (Sesuvium portulacastrum) ay isang hala-mang-dagat at matatagpuang tila damo sa mga pook bay-bayin. Yumayabong itong may 30 sentimetrong taas, may makapal at madulas na sangang umaabot sa isang metro ang habà, at may madulas, makintab, at malamang lungtiang da-hon. May bulaklak itong pink o purpura. Tumu-tubò ito sa mabuhanging putik ng tabing dagat, pinak na may tubig-alat, at gilid ng pilapil ng pal-aisdaan. Tinatawag itong sea purslane sa Ingles at minsang tinawag na samphire ng isang eksperto sa pagkain.

 

Maaaring ito’y damo para sa karaniwang tao ngunit atsara sa nakaaalam. Ang “atsarang dampalit” ay popular mula sa mga pook palaisdaan ng Laguna at Bulacan. Mainam itong ilahok at pampaalis sawa sa pagkain ng matabàng pritong isda o karne. Isang ilog at isang lipon ng talon sa Laguna ang ipinangalan sa dampalit. Sa El filibusterismo, nabanggit ni Rizal na isang munting landas patungo sa paliguan sa Los Baños ang may pangalang “Dampalit” at nilagyan pa niya ng etimolohiyang “daang paliit.” Hindi kayâ niya naisip na ipinangalan ito sa damo na malaganap sa paligid ng look? (VSA)

Cite this article as: dampalít. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/dampalit/