damóng-maryá
Philippine Flora, plans, traditional medicine, medicinal plants, herbs
Isang mataas na yerba ang damóng-maryá (Artemisia vul-garis), lumalaki ng 1–2 metro, at may makahoy na mga ugat. Ang dahon ay humahabà nang 5–20 sentimetro, lungtian, kahawig ng pakpak ng mga ibon, at balahibuhin o mabuhok ang ilalim. Puláng purpura ang nakatayông tangkay; at maliliit na mabilog ang mga bulaklak, limang milimetro ang habà, at kulay dilaw o pula ang mga talulot. Namumulaklak ito mulang Hulyo hanggang Setyembre.
Isang popular na halamang-gamot ang damong-marya. Kasáma ang Artemisia absinthium, isa pang damong-marya, ipinanggagamot sa buong mundo ang Artemisia vulgaris sa sakit ng tiyan at pagpapainam ng pagdumi. Pinabubuti din nitó ang regla ng babae. Inilalagay din ng mga sinaunang Romano ang usbong ng damong-marya sa kanilang sandalyas para maiwasan ang pananakit ng mga paa kung malayò ang kanilang mga lakbayin. Ginagamit din itong sangkap sa mga mapait ngunit pampaganang alak bago kumain, gaya ng vermouth. Kayâ may alamat na Anglo-Saxon na nagsasabing isa ito sa “siyam na damong-gamot” na binigay ng kanilang diyos na Woden.
May babala lámang ang mga doktor na maaari rin itong makapagdulot ng alerdyi. Ipinagbabawal din ang pag-gamit sa panahon ng pagbubuntis ng isang babae, maging sa panahon ng pagpapasuso ng sanggol, at kung may labis na pagbilad o pagkadarang sa sinag ng araw. (VSA)