Dambanàng Mabíni
Itinayo ang Dambanàng Mabíni sa Barangay Talaga, Tanauan, Batangas bilang palatandaan ng pook na sinilangan ng bayaning si Apolinario Mabini, ang binansagang ”Utak ng Himagsikan” at ”Dakilang Lumpo.” Tampok sa dam- bana ang isang museo, ang libingan ni Mabini, at isang munting bahay na yari sa nipa. Ang tirahang ito ay rekonstruksiyon ng tahanan ni Apolinario at kaniyang mga kapatid at magulang na sina Inocencio Mabini and Dionisia Maranan.
Matatagpuan sa museo ang ilang kagamitan ni Mabini, tulad ng mga upuan at mesa, banga, baul, antipara, tungkod, panyo, at mga aklat na binása habang nag-aaral sa Colegio de San Juan de Letran at Unibersidad ng Santo Tomas. Makikita rin ang ilang retrato na may kinalaman sa búhay ni Mabini, pati na rin ang kaniyang mga sulatin tulad ng Dekalogo. Matatagpuan din sa loob ng museo ang kabaong na ginamit noong inilipat ang mga labí ni Mabini mula sa Mausoleo de los Veteranos de la Revolucion sa Manila North Cemetery tungo sa dambanang ito.
Bukod sa dambana sa Batangas, matatagpuan naman sa Maynila ang bahay na naging tahanan niya at nagsisilbi ding palatandaang pangkasaysayan. Matatagpuan ito sa ibabâ ng Tulay Mabini (dating Nagtahan) sa ngayon ay kampus ng Polytechnic University of the Philippines sa Sta. Mesa, Maynila. Dito nanirahan si Mabini noong estudyante pa siyá sa Unibersidad ng Santo Tomas hanggang magrepaso sa batas. Dito rin niya sinulat ang iba’t ibang akdang pampolitika sa mga panahon ng Español at Americano. Sinasabing madalas magpunta rito sina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto upang sangguniin siyá tungkol sa mga plano ng rebolusyon. (PKJ)