Dambanàng Juan Luna
Matatagpuan ang Dambanàng Juan Luna (Hu•wán Lú•na) sa Badoc, Ilocos Norte, ang sinilangang bayan ng bayaning pintor na si Juan Luna. Ang museo at dambana (Juan Luna Shrine sa Ingles) ay rekonstruksiyon ng bahay na sinilangan ni Luna noong 24 Oktubre 1857. (Natupok ang orihinal na bahay noong 1861). Ipinahayag ang bahay bilang Pambansang Palatandaang Makasaysayan (National Historical Marker) noong 7 Oktu- bre 1976.
Matatagpuan sa labas ng bahay ang isang monumento ni Luna. Mayroong dalawang baitang ang bahay at gawa sa tisa. Nakasabit sa dingding ang mga retrato ng orihinal na gusali at kung paano ito binuong muli. Mayroong galeriya ng mga anti- gong retrato at kagamitang pangbahay ng angkang Luna. Makikita din ang ilang gamit ng kapatid ni Juan, si Heneral Antonio Luna, kabilang ang espada at uniporme nitó.
Tampok sa museo ang reproduksiyon ng dalawa sa pangunahing obra ni Luna, ang Spoliarium at El Pacto de Sangre, kasáma ang mga dibuho ng kaniyang asawa, si Paz Pardo de Tavera, at ang pambansang bayaning si Jose Rizal. Sa ikalawang palapag, makikita naman ang sala, azotea, kapilya, at mga silid tulugan. Lahat ng mga ito ay nilagyan ng mga kagamitan na babagay sa panahon ng Español, at natatangi sa mga ito ang kama na ginamit mismo ni Luna. (PKJ)