Dambanàng Aguinaldo
Isa sa mga pambansang dambana ng Filipinas, ang Dambanàng Aguinaldo (A·gi·nál·do) na matatagpuan sa Kawit, Cavite at pook na pinangyarihan ng pagpapahayag ng kalayaan noong 12 Hunyo 1898 sa pangunguna ni Heneral Emilio Aguinaldo. Dito nasaksihan ang unang opisyal na pagwagayway ng bandila ng Filipinas na tinahi sa Hong Kong ni Marcela Agoncillo sa tulong nina Lorenza Agoncillo at Delfina Herboza. Dito rin unang narinig ng publiko ang tugtuging naging Pambansang Awit na nilikha ni Julian Felipe. Ang nasabing komposisyon ay may orihinal na titulong Marcha Filipina Magdalo. Gayunman, matapos italaga ito bilang opisyal na martsa ng Filipinas, pinalitan ni Felipe ang titulo ng Marcha Nacional Filipina.
Ang deklarasyon ay halaw diumano sa Deklarasyon ng Kasarinlan ng Estados Unidos. Inihanda ito ni Ambrosio Rianzares Bautista at siyá ring nagbasá nitó sa harap ng madla. Upang makuha ang pagkilála ng Estados Unidos sa pagpapahayag ng kalayaan ng Filipinas, inimbitahan ni Aguinaldo si Commodore George Dewey ngunit tumang- gi ang hulí. Gayunman, kabilang sa 98 tao na pumirma sa pahayag si Koronel L.M. Johnson, isang Americano na opisyal.
Sentro ng dambana ang tahanang ansestral ni Aguinaldo na ipinatayô noong 1845. Sa bahay na ito isinilang ang nasabing heneral. Sa balkonahe nitó naganap ang pag-wawagayway ng bandila at pagpoproklama ng kalayaan. Sa kasalukuyan, bilang pag-alaala sa makasaysayang pang- yayaring ito, may mga mataas na pinunò ng pamahalaan na nagtataas ng watawat ng Filipinas dito tuwing umaga ng 12 Hunyo. Isang monumento ni Aguinaldo ang itinayô sa harapan ng bahay bilang paggalang at parangal. Ang dambana ay isa na ring museo ngayon na bukás sa lahat na nagnanais na balikan at sariwain ang bahaging ito ng ating kasaysayan. (LN)