dáma
Ang dáma ay isang larong Filipino na kahawig ng ahedres (chess o checker) at may layon na ubusin ang piyón ng kalaban. Sinasabing nagmula ang laro ng checker sa Sinaunang Ehipto. Natagpuan ng mga arkeologo ang mga bakás nitó sa isang ginawang paghuhu-kay sa Ur, Iraq at tinatayang nilalaro ito noong 1400 B.C. pa. Tinatawag ito noong alquerque at mayroon itong 5×5 bord o tablero na mayroong grid at mga guhit na diyago-nal na naglalagos sa isa’t isa. Sinasabi namang ang moder-nong checker o chess ay nagsimula noong ika-12 siglo sa largong ferses. Noong ika-16 na siglo, naging ‘dames’ ito at naging popular sa Pransiya. Nakarating ito sa Inglatera at America at tinawag itong draughts. Mayroon ding natagpuang libro tungkol sa naturang laro sa España at Inglatera. Sa Filipinas at Armenya, tinawag itong dama.
Nilalaro ito ng dalawang tao, bawat isa ay may 12 piraso ng “pítsa” na gawa sa kawayan, bato, o takip ng bote. Ang pitsa ay maaari lamang gumalaw nang padiyagonal sa interseksiyon ng mga linya sa bord, hindi nitó maaaring kainin ang pitsa na nása likod nitó, at kapag narating na ang dama o ang huling hilera ng bord sa bahagi ng kalaban, maaari na itong gumalaw nang padiyagonal sa mga hilera. Tulad ng ahedres, natatapos ang laro kapag naubos na ang lahat ng pitsa ng kalaban. Sa ibang bahagi ng Filipinas, ginagamit mismo ang chess board at mga piyesa nitó sa dama. Sa simula, ginagamit lámang ang pawn, knight, at rook. Kapag narating ng manlalaro ang dama stage ay sakâ niya magagamit ang piyesa ng king, queen, at bishop. May paraan ng paglalaro nitó na tinatawag na “perdegána” (mula sa Español na perder ganar) na panalo ang unang maubusan ng pitsa. Sa Bisaya, tinatawag ang dama bilang “pildidama” na korupsiyon ng Español na perder na ibig sabihin ay “matalo.” (KLL)