dalling-dalling

Isang bantog na sayaw Tausug ang dalling-dalling. Ginagamitan ito ng mga ikinukunday na abaniko o panyo na iniipit sa ikalawa at ikatlong daliri. Nakasuot ng katutubong kasuotang Joloano ang mananayaw. Isang manganganta ang karaniwang sumasaliw sa pagsayaw at inilalarawan ang mga kilos ng mananayaw. Ang awit na ginagamit sa pagsaliw ay tinatawag na “sangbay” at ang pag-awit nitó ay pagsangbay.

Dalawa sa mga kantang inaawit ang “Lingisan/kinjung-kinjung” at “Dalling-dalling.” Ayon kay Amilbangsa (1983), ang pagpapalaganap sa dalling-dalling ay sinasabing isinagawa ng Tausug na si Albani. Sinasabi ring isa itong sayaw ng pagliligawan at nangangahulugan ang pangalan ng “mahal ko, mahal ko.” Kapag nagkakasiya-han ang mga kabataan, sumasabay sa pag-awit ang mga ito at ang iba ay sumasabay sa mananayaw. (VSA)

 

 

Cite this article as: dalling-dalling. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/dalling-dalling/