Dalágang Búkid
Ang Dalágang Búkid ang pinakatanyag na sarsuwela at sinulat ni Hermogenes Ilagan at may musika ni Leon Ignacio. Unang itinanghal ito noong 1919 at humigit-kumulang 1000 beses pang itinanghal sa buong kapuluan, kahit sa isang pangkat ng mga Ita, bago sumapit ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Umiikot ang Dalágang Búkid kay Angelita, isang dalagang nagbebenta ng bulaklak sa may kabaret. Dahil sa angking kagandahan niya, maraming lalaki ang umibig, at isa na rito si Don Silvestre. Ngunit, lihim na mahal ni Angelita si Cipriano, isang binatang nag-aaral ng abogasya. Dahil sa dami ng pera ni Don Silvestre, nagawa niyang paghiwalayin ang magkasintahan at umasang lalapit ang loob ni Angelita sa kaniya. Ngunit hindi nagtagumpay si Don Silvestre sa kaniyang plano. Kalaunan, nagpakasal si Angelita at Cipriano nang may basbas ng lahat ng mga tao sa dula.
Una itong itinanghal sa Teatro Zorilla sa Maynila ng Compania de Zarzuela Ilagan. Ang nasabing grupo ay pagmamay-ari ng manunulat. Si Atang dela Rama, tina-guriang Reyna ng Kundiman, ang gumanap na Angelita. Pinakapopular na awit dito ang “Nabasag ang Banga” na inaawit nang may kasaliw na tap dance at hitik sa pahi-watig na seksuwal. Naisapelikula na rin ang dulàng ito at si Luis Nepomoceno ang siyáng nagprodyus. (SJ)