dalág

Philippine Fauna, fish, aquatic animal

 

 

Karaniwang matatagpuan sa tubig-tabáng ang dalág (Chana striata). Naninirahan ang isdang ito sa lugar na maputik ngunit maaari ding mabúhay ito sa tubig na madumi at may mabagal na agos. Sa kasalukuyan, inaal-agaan ang dalág sa mga palaisdaan sa mga bansang tu-lad ng Thailand, Vietnam, at Filipinas. Sa Katagalugan, “bulíg” ang tawag sa batàng dalág.

 

May mabilog na katawan ang dalág, may malaki at paimpis na ulo tulad sa isang ahas, at may bilugang buntot. Mapusyaw na tila kayumanggi ang kulay nitó at may parang grasa sa ibabaw. May mga itim na batik sa palikpik sa may dibdib nitó. Maitim ang buntot ng dalág na may tila  anyong  lungtiang tanso. Maitim at may batik na kulay itim at magkahalòng kahel at dilaw ang balát sa likod at tagiliran, samantalang maputî naman ang tiyan. Sa loob ng dalawang taon maaaring lumaki hanggang 30–36 sentimetro ang isdang ito. May bigat na tatlong kilo ang naitalâng pinakamalaking dalág na nahúli sa Filipinas.

 

Bagaman matatagpuan din ang dalág sa tubig alat, na-mumuhay ang karamihan ng isdang ito sa tubig tabáng na tulad ng lawa, ilog, batis, at kanal na kalimitang nása lalim na 1–2 metro. May kakayahan ding mabuhay nang wala sa tubig ang isang dalág sa loob ng 3–4 na araw basta basâ ang lugar. Malimit sa bukid at palayan nahuhúli ang mga dalág, lalo na tuwing umuulan. Kapag tag-init na-man, pumapailalim ang dalag sa putik ng lawa at sa mga kanal upang mapanatiling basâ ang balát at kasangkapan sa paghinga. Namumuhay mag-isa ang dalág, maliban sa panahon ng pangingitlog.

 

Maaaring kumain ang dalág ng mga hayop tulad ng uod, maliliit na hipon, palaka, at ibang isda. Sa Filipinas, may panahong ginamit ang dalág upang sugpuin ang pagdami ng tilapya sa palaisdaan. Kilalá kasing agresibo ang isdang ito, madalîng dumami, at káyang ubusin ang mga isdang makasáma sa isang pook. Ngunit dahil na rin dito, dapat ingatan at pag-aralan ang pagpapapasok ng dalág sa iba’t ibang lugar at klase ng tubigan. (MA)

Cite this article as: dalág. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/dalag/