daigón

Ang daigón ay isang uri ng kompóso kung panahon ng Pasko sa Kanlurang Kabisayaan, sa mga isla ng Panay at Negros. Ang daigon ay katulad ng posadas ng mga Mehikano. Ang salitâng “daigon” ay nagmula sa salitâng na “daig” na ang ibig sabihin ay “ilawan,” na posibleng nagmula sa kaugalian na pagsindi ng ilaw o apoy sa dinaraanan ng mga nagdadaigon. Ang daigon ay kinakanta sa wikang Hiligaynon at ginagawa tuwing panahon ng Pasko. Ito ay kinakanta ng isang koro ng mga babae at lalaki at kadalasan ay may magkahalòng mga kabataan at mga matanda. Tulad ng panunuluyan o karoling sa Luzon at Kamaynilaan, sáma-sámang bumibisita ang grupo sa isang bahay at kakanta ng mga komposong hindi bababâ sa lima (5) at hindi rin hihigit sa sampung (10) kanta. Magsisimula ang daigon sa isang kantang nagpapaanyaya sa pakikinig at paghingi ng pahintulot sa maybahay para kumanta at nagtatapos sa isang kanta ng pamamaalam at pagpapasalamat. Ang mga kanta ay nagkukuwento tungkol sa kapanganakan ni Hesus. Ang mga kanta ay sa saliw ng mga instrumentong katutubo tulad ng mga kalansing na gawa sa tansan, láta, bote at iba pang niresiklong kasangkapan. Sa paglaon, at dahil na rin sa modernisasyon, ang mga daigon sa ngayon ay kumakanta na rin ng mga pop o pamosong mga kanta sa Ingles at Filipino at gumagamit na rin ng mga makabago at dekoryenteng instrumento. (MLM)

Cite this article as: daigón. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/daigon/