Francisco Dagohoy
(sk 1744–1829)
Si Francisco Dagohoy (Fran·sís·ko Da·gó·hoy) ang bayani ng Bohol na namunò ng pag-aalsa laban sa mga Español mula 1744 hanggang 1829, ang pinakamatagal na himagsik sa kasaysayan ng Filipinas. Isinilang si Dagohoy sa Inabangan, Bohol. Walang malinaw na ulat tungkol sa kaniyang búhay noong batà pa. Naging cabeza de barangay siyá ng kaniyang bayan paglaki. Isinilang siyáng Francisco Sendrijas ngunit nakuha ang pangalang “Dagohoy” mula sa pinaikling “Dagon sa huyuhoy” sa wikang Boholano. Ang isa sa dalawang kapatid ni Dagohoy, si Sagarino, ay naging sundalo sa hukbong Español, at namatay ito sa pakikipaglaban sa mga rebeldeng ipinahuhúli ng kura ng Inabangan.
Nang dalhin ni Dagohoy ang bangkay ng kapatid sa simbahan upang mabasbasan, tumanggi ang kura. Ayon daw sa batas ng simbahan, hindi binibendisyunan ang namatay sa duwelo. Dahil dito, tinalikuran niya ang simbahan at nagtatag ng kilusan laban sa mga Español. Nagkuta siyá sa bundok ng Inabangan Dahil sa nagtagumpay sa maraming pagsalakay sa kampo ng mga Español ay lalong dumami ang mga mamamayang sumáma sa kaniyang kilusan. Napaslang din ni Dagohoy ang kurang tumangging magbasbas sa kaniyang kapatid. Nagtayò siyá ng mga pamahalaan sa mga bayang napalaya sa mga Español. Sa mga kabundukan sa labas ng bayan, nagtayò siyá ng maliliit na pamayanan.
Walang makatiyak kung paano at kailan siyá namatay. Pero kahit wala na siyá’y nagpatuloy pa rin ang kaniyang kilusan na tumagal nang 85 taon at 20 gobernador-heneral ang nakapanungkulan. Itinatag at ipinangalan sa kaniya ang isang bayan sa Bohol noong 1956. (PKJ)