daglî

Tinawag na daglî ang mga kuwento na mabilisang sinusulat at inilalabas sa mga babasahin noong panahon ng Americano. Malimit na mapagpatawa ang mga ito, ngunit may nagpapahayag ng matapang na pamumunáng pampolitika. Marami din ang itinuturing na pasingáw sa Tagalog dahil nagpapahayag lámang ng pagsinta. Katumbas ito ng tinatawag na rápidá, instantanéa, o rafága sa Español.

Ang unang nalathalang makabuluhang daglî ay ang “Maming” sa wikang Sebwano ni Vicente Sotto na nalathala sa Ang Suga noong 16 Hulyo 1901. Nagtataglay ito ng makirot na gunita sa abuso ng mga fraile noong panahon ng Español. Inilarawan ni Sotto ang lubhang pagiging masunurin ng magulang ni Maming sa mga alagad ng simbahan at nagwakas sa pag-kakaroon ng anak ni Maming sa isang fraile.

Gayunman, dahil marami at mas malimit ilathala ang diyaryo sa Maynila ay higit na maraming daglîng nalathala sa Tagalog at sa Español. Sa ganito nagsanay sa pagsulat ng maikling kuwento si Deogracias A. Rosario, itinuturing na “Ama ng Maikling Kuwentong Tagalog,” at ang halos lahat ng unang kuwentista sa panahon ng Americano. May mga dagli na isinulat sa Español at katulad ng “Maming” ni Sotto ay nagtataglay ng mga katangian ng isang maikling kuwento. (VSA)

Cite this article as: daglî. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/dagli/