Lourdes J. Cruz
(19 Mayo 1942–)
Pambansang Alagad ng Agham, si Lourdes J. Cruz (Lúr·des Jey Kruz) ang natatanging dalubhasa ng Fili- pinas sa pag-aaral ng nakalalasong peptides mula sa mga susông dagat. Ang kaniyang pananaliksik ay nagbunga sa pagkakatuklas ng 50 bagong uri ng peptides ng susông Conus geographus na matatagpuan sa karagatan ng Filipinas. Pinangunahan niya ang pagpapaunlad ng conotoxins na ginagamit ngayon bilang biyokemikal na instrumento sa pagsusuri ng utak. Malaki din ang nag- ing kontribusyon ni Cruz sa pag-aaral ng epekto ng na- kapaparalisang lason mula sa tahong at ang paggamit ng mga organismo sa dagat upang labanan ang tuber- kulosis. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham noong Nobyembre 2006.
Nagsimulang pag-aralan ni Cruz ang kamandag ng su- song Conus geographus noong kalagitnaan ng dekada 1970. Natuklasan ni Cruz na ang kamandag ng susô ay nagtataglay ng maraming uri ng peptides na nag- dudulot ng sari-saring epekto sa kilos ng utak. Napa- pakinabangan ngayon ang mga natuklasan ni Cruz sa medisina lalo na sa larangan ng neuromedicine. Hindi siyá nakontento sa apat na sulok ng laboratoryo. Noong 2001, itinatag niya ang Rural Livelihood Incubator (Rural LINC) sa Morong, Bataan. Nilalayon ng kaniyang organisasyon na masawata ang laganap na kahirapan sa kanayunan sa pamamagitan ng pagbibigay ng edukasyon, kabuhayan, at pangangalaga ng ka- likasan. Nagbigay siyá ng pagsasanay sa mga komunidad ng katutu- bong Ita upang maiangat ang kalidad ng kanilang pamumuhay. Maningning na halimbawa si Cruz ng isang siyentistang may malaking malasakit sa kapuwa
Isinilang si Cruz noong 19 Mayo 1942 sa Tanza, Cavite. Nagtapos siyá ng Batsilyer sa Agham ng Kemistri noong 1962 sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman. Nagtungo siyá Estados Unidos upang magpatuloy ng pag-aaral at natapos niya ang master sa agham (1966) at doktorado sa biyokimika (1968) sa University of Iowa. Nagsilbing mananaliksik si Cruz sa International Rice Research Institute at propesor sa biyokimika. Pinamunuan niya ang Departamento ng Biyokimika at Biolohiyang Molekular ng UP. Siyá ay hinirang na Outstanding Young Scientist noong 1981 at Outstanding ASEAN Scientist and Technologist noong 2001. (SMP)