(21 Mayo 1875–1 Nobyembre 1945)
Si Valente Cristobal (Va·lén·te Kris·tó·bal) ay isang mandudula at politiko sa Iloilo. Isa siyáng Tagalog ngunit nagtagumpay na manunulat at direktor ng sarsuwelang Ilonggo.
Isinilang siyá noong 21 Mayo 1875 sa Polo, Bulacan kina Timoteo Cristobal, isang barbero, at Gregoria Perez, isang manghahabi. Nang siyá ay edad 12, nagpunta siyá ng Maynila sa paniwalang ang isang kaibigan ng pamilya na sumagot sa kaniyang pamasahe ay papag-aralin siyá. Sa kasamaang palad, nauwi siyá bilang kasambahay ng naturang pamilya. Matapos ang dalawang taóng paninilbihan.
umalis siyá at sumubok ng iba’t ibang trabaho: tagapintura, karpintero, sastre, at iba pa. Lumipat siyá sa Iloilo at napangasawa si Micaela Hormigon. Namasukan siyá doon sa Hoskyn and Company, ang pinakamalaking department store sa lugar. Naging tahor din siyá ng sabungan nang tatlong taón. Nagsilbi siya nang dalawang termino bílang konsehal ng Iloilo.
Nakasulat siya ng 32 dula. Naging matagumpay ang kaniyang unang dulang Ang Capitan noong 1903, tungkol sa isang babaeng piniling pakasalan ang isang kapitan kaysa isang Chino. Sinundan ito ng serye ng mga dula: Ang mga Viciohan; Si Platon (1904); Madaya (1904); Calipay Sang Panday (1906); Juan Te (1907); Nating (1908); Maimon nga Amay (1908); Ang Lalang ni Tarcila (1910); Asawa Balaye (1910); Ang Tuburan sang Himaya (1911); Si Salvador (1912); Bulac nga Guinlimot (1918); Mainaua-on (1922); Ma, Pa, Ta (1927); at Kolintas nga Bulawan (1930).
Si Cristobal ang naging direktor at prodyuser ng kaniyang mga dula. Itinanghal ang mga ito sa iba’t ibang tanghalan sa Iloilo at Negros gaya ng Teatro Ilongo, Teatro Oriental, Teatro Malhabour, Iloilo Opera House, Teatro Laurente. Pumanaw si Valente noong 1 Nobyembre 1945. (KLL)