Criollo
Sa pangkalahatan, tinatawag na criollo (kri·ól·yo) ang isang tao na may mga magulang na purong dugong Español ngunit isinilang sa isa sa mga kolonya ng España. Tinatawag din siyang insulár o isinilang sa kolonya at upang maibukod sa peninsulár na isinilang sa peninsula ng Iberia (ang isang tawag sa España). Bílang isang grupo, ang criollos o insuláres ay itinuturing na higit na mababàng saray kaysa peninsulares.
Gayunman, binubuo ng mga criollo ang kalakhan ng makapangyarihang aristokrasya ng Filipinas sa panahon ng Español. Silá ang may hawak ng karamihan sa mga posisyon sa pamahalaan at Simbahan, maliban sa pinaka-matataas na mga puwesto (tulad ng Gobernador-Heneral at Arsobispo ng Maynila) na kailangang hawak ng mga peninsular na ipinadadala mulang España. Nasa ilalim ng peninsulares at insulares ang mga mestisong Español, mga Chino at Chinong mestiso, at pinakamababà ang mga Indio o mga purong katutubo.
Sinasabing ang taguring “Filipino” ay unang ginamit para sa insulares, at sa kanila nag-ugat ang nasyonalismo at kamalayang Filipino. Tatlong halimbawa ng mga criollo na nakipaglaban para sa karapatan ng mga “Filipino” ay sina Luis Rodriguez Varela, Andres Novales, at Pedro Pelaez. Noong simula ng ika-19 siglo, inilimbag ni Varela ang ilang aklat na nagsusulong ng pagbabago sa lipunan ng Filipinas. Ginawa siyáng kabalyero ni Haring Carlos III, at tinawag niya ang sarili bílang “El Conde Filipino.” Noong 1823, isang pag-aalsa ng mga insular, sa pamumunò ni Novales, ang dinulot ng isang utos mula España na nagsasaad ng mas matataas na ranggo ng mga peninsular kaysa insular. Ipinatápon ng pamahalaang kolonyal sina Novales at ilang insular. Kasáma sa ipinatápon si Varela. Sinundan ito ng tinaguriang Sabwatang Palmero ng mga criollo na nagdulot ng pagpalit ng mga peninsular sa mga insular na opisyal na tulad ng mga gobernador ng lalawigan.
Dahil naman sa paghinà ng kapangyarihan ng mga fraile sa España, pumunta ang marami sa Filipinas at nagsimu- lang palitan sa puwesto ang mga paring insular, mestiso, at Indio. Nagprotesta dito si Pelaez, isang criollo na nagsusulong ng “sekulárisasyón” ng kaparian. Namatay sa isang lindol si Pelaez. Ipinagpatuloy ng kaniyang disipulong si Jose Burgos, sangkatlo ng martir na Gomburza, ang labang ito.
Si Juan Crisostomo Ibarra, mula sa nobelang Noli Me Tangere ni Jose Rizal, ang pinakatanyag na insular sa panitikan ng Filipinas. (PKJ)